16,225 total views
Umapela si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mga Pilipino na muling pag-alabin ang diwa ng pagmamahal sa bayan na nakaugat sa tunay na katarungan.
Ito ang panawagan ng obispo kasunod ng magkakaibang opinyon ng mamamayan sa pag-aresto ng Interpol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 11 dahil sa kasong crimes against humanity ng International Criminal Court.
Iginiit ng obispo na bagamat iginagalang ng simbahan ang damdamin ng nasasakupan mahalagang magbuklod ang bansa tungo sa kapayapaan.
“While the Catholic Church respects the differing views of our fellow Filipinos—those who are gravely hurt by what they saw, and those who felt vindicated by the turn of events, we must remind our fellow citizens that we cannot continue down the path of conflict which will eventually lead us to destruction as a nation,” bahagi ng liham pastoral ni Bishop Uy.
Aniya bilang Pilipino tungkulin ng bawat isang isulong ang diwa ng pagmamahal sa bayan at mahalagang umiral ang pagiging makabayan sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng bansa.
Sinabi ng obispo na sa gitna ng kasalukuyang pangyayari sa bansa mahalagang tiyakin ng pamahalaan ang pananagutan, transparecy at katarungan sa kanilang mga ginagawa.
“We call on our fellow Filipinos, our church leaders of all denominations, to revisit our love of country anchored on justice,” ani Bishop Uy.
Kasalukuyang nakadetine sa The Hague Netherlands si Duterte kung saan humarap sa pre-trial noong March 14 habang itinakda ng ICC ang susunod na pagdinig sa September 23.
Hiniling ni Bishop Uy sa mamamayan na paigtingin ang mga panalangin upang mangibabaw ang paggabay ng Panginoon at magdudulot ng paghilom sa bawat isa.
“As we find ourselves in a delicate crossroads in our nation’s history, let us turn to prayers, seeking God’s power of healing for every pained heart, every violated sensitivity, every broken hope, every aching spirit, and every wounded soul,” giit ng obispo.
Samantala umapela rin si Bishop Uy sa mamamayan na maging maingat sa pagbabahagi ng mga impormasyong nababasa at napapanuod online dahil laganap sa lipunan ang fake news, disinformation at misinformation lalo na sa social media.
Aniya dapat suriin at tiyakin ng mamamayan ang mga nababasang balita online bago ibahagi sa kani-kanilang social media platform upang maiwasan ang pagkasira ng ugnayan dulot ng fake news.