2,848 total views
Isasagawa ng Sovereign Military Order of Malta ang kauna-unahang World Day, the Order of Malta sa October 14.
Layunin nitong patuloy palalawakin ang mga gawaing kawanggawa sa pamayanan sa pamamagitan ng kristiyanong pamamaraan. Ito ay kasabay ng paggunita kay Blessed Gerard, ang founder ng Order of Malta sa October 13.
“The celebration of its World Day, the Order of Malta brings to focus its international role in providing humanitarian assistance to those in need…It continues to uphold its mission of service to the sick, the poor and the needy through its many institutions, grand priories and national associations worldwide,” bahagi ng pahayag ng Order of Malta Philippines.
Napagkasunduan ng grupo na gawing global event ang pagdiriwang kasunod nang matagumpay na National Day sa Italya sa mga nakalipas na taon.
Magbubuklod ang mga Grand Priories, national associations at volunteers sa pagsasagawa sa mga gawain at proyekto sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na layong isabuhay ang libong taong kasaysayan ng pananampalataya at paglilingkod ng Order of Malta sa pamayanan.
Kaugnay nito, magsasagawa ng medical mission ang Order of Malta Philippines katuwang ang mga institusyon sa kanilang tanggapan sa Quiapo Manila sa October 14 mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas dose ng tanghali.
Ilan sa libreng konsultasyon na isasagawa ang para sa ENT, dental, pediatric, obstetric, at gynecological cases.
Mula nang maitatag ang Philippine Association of the Order of Malta noong 1957 aktibo na ito sa mga kawanggawa at advocacy programs para sa mga may leprosy, HIV/AIDS gayundin sa disaster response and recovery.
Kabilang na rito ang pagpatayo sa 641 housing units sa Bantayan Island sa Cebu at Basey Samar na biktima ng Super typhoon Yolanda noong 2013; ang pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na sa Metro Manila noong 2020 nang umiral ang COVID-19 pandemic.
Bukod dito nakiisa rin ang Order of Malta Philippines sa proyektong pagbibigay ng malinis na tubig sa Benguet noong 2010 sa pamamagitan ng Water, Sanitation and Hygiene o (WASH) Projects.
Ang grupo ng lay religious order ng simbahang katolika ay saklaw ng international law na may diplomatic relations sa 112 mga bansa at sa European Union kung saan nakatalaga sa Roma ang punong tanggapan mula pa noong 1834.