331 total views
Muling ipinaalala ni dating Ambassador Henrietta De Villa, Founding Chairman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang hangarin ng Simbahang Katolika na maging matalino ang bawat botante sa pagboto sa pamamagitan ng pagsasagawa ng naaangkop na pagpoproseso sa mga kandidato.
Ayon kay De Villa, bilang mga responsableng botante ay mahalagang kilalanin at kilatisin ang mga kandidato.
Ipinaalala ni De Villa sa mamamayan na hindi dapat makalimutan ang pagdadasal sa Panginoon upang gabayan ang bansa sa lahat ng pagkakataon.
“Kilalanin niyo po ang mga kandidato, mag-aksaya kayo ng panahon na talagang kilatisin niyo, alamin lahat ng maari niyong malaman tungkol sa kanila bago kayo bumoto, ngayon po ang panahon para makilala sila, so please be a responsible voter and pangalawa po huwag niyong kalimutang magdasal kasi ang Panginoon nandyan, tutulungan tayo kung humingi lang tayo ng awa sa kanya…” panawagan De Villa sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang pagiging responsableng botante ay panawagan ng mga Obispo sa isinagawang Second Plenary Council of the Philippines para sa pagpapatupad ng reporma sa halalan sa bansa.
Batay sa opisyal na tala ng Commission on Elections o COMELEC, umabot sa 152 ang naghain ng COC para sa pagka-Senador habang umabot naman sa 185 ang naghain ng Certificates of Nomination and Certificates of Acceptance of Nomination upang maging kinatawan ng iba’t-ibang Partylist.
Matatandaang umaapela ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mga opisyal ng pamahalaan sa buong mundo na tutukan ang common good o ang mas makabubuti para sa lahat sapagkat ang Pulitika ay maituturing na isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa.