2,390 total views
Umaasa ang pinunong pastol ng Archdiocese of Cebu na mas mapaigting ang pagmimisyon ng simbahan sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus.
Dalangin ni Archbishop Jose Palma sa Pasko ng Muling Pagkabuhay na mabanaagan ng bawat isa ang pag-asa at mapawi ang anumang pangamba sa buhay.
Tiwala ang Arsobispo na magdulot ng pagpanibago sa buhay ng mananampalataya ang pagtatagumpay ni Hesus gayundin sa buong simbahang naglalakbay.
“Dalangin ko na sa panahong ito ng Muling Pagkabuhay ni Hesus kasama ang biyaya ng bagong buhay makamit natin ang rebirth o renewal ng ating simbahan sa Cebu sa tulong at gabay ng Espiritu Santo.” ani Archbishop Palma.
Hinimok naman ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mamamayan na huwag pangambahan ang anumang uri ng kasamaan sa lipunan bagkus ay higit na manalig kay Hesus na buong kababaang loob inialay ang buhay para sa katubusan ng tao.
Paliwanag ni Bishop Pabillo na dapat tingnan ng tao ang pinagdaanan ni Hesus na nagpakasakit, nakaranas ng kasamaan ng tao at hinatulan ng kamatayan dahil sa kanyang paghahayag ng paghahari ng Diyos Ama subalit hindi alintana ang mga panganib sa buhay upang matubos ang tao sa kasalanan.
Aniya, mapagtatagumpayan ng tao ang mga karanasan kung manatiling kumakapit kay Hesus na nagbibigay buhay at liwanag sa sanlibutan.
“Manalig tayo. Ang kapangyarihan ng muling pagkabuhay ay kumikilos sa mundo at sa buhay natin. Lumapit tayo kay Jesus. Kumapit tayo sa kanya. Tularan natin siya. Tanggapin natin siya sa ating buhay. Alam niya ang ating kalagayan bilang tao at napagtagumpayan niya ang kasamaan.” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Samantala pinaiigting ng simbahan sa buong mundo ang pagpapanibago tungo sa mas malagong pananampalataya alinsunod sa synod on synodality ng Santo Papa Francisco na layong pakinggan ang bawat sektor ng lipunan at higit mapalawig ang pagmimisyong kalingain ang pangangailangan ng sambayanan.