34,554 total views
Nanindigan ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research o EILER na ang laganap na katiwalian ay hadlang sa pagkaroon ng mga manggagawa ng maayos at disenteng trabaho.
Sinabi ng EILER na napapanahon ng mawala ang laganap na korapsyon sa gobyerno dahil lalu nitong ang kahirapan sa bansa.
Sa pagdiriwang sa buong mundo ng World Day for Decent Work, nanawagan si EILER Chairperson Renan Ortiz sa mga manggagawa na makiisa sa laban kontra katiwalian.
Inihayag ni Ortiz na nagkaroon sana ng maayos na trabaho ang maraming Pilipino kung ginamit sa pagsasaayos ng sektor ng paggawa ang trilyong pisong pondo na napunta lamang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
“Corruption involving trillions of public funds does not only lead to ghost and substandard projects but deprives social services for workers with much-needed allocation,” mensahe ni Ortiz sa Radyo Veritas.
Iginiit ni Ortiz na bukod sa mababang pasahod, nalalagay din sa panganib ang kalagayan at kalusugan ng mga manggagawa kung saan naitala ng Integrated Survey on Labor and Employment (ISLE) sa 132,710 ang occupational disease cases.
Kaugnay nito, hinamon ng EILER ang administrasyong Marcos na parusahan ang mga korap na opisyal ng pamahalaan at mga kasabwat sa katiwalian.
Hinimok din ng grupo ang administrasyon na maglaan ng pondo para sa social protection, wage subsidies, free health care at pagsusulong ng labor rights upang makaahon sa lugmok na kalagayan ang milyun-milyong manggagawang Pilipino.
“Massive corruption in government with the connivance of big businesses will only result in further subjecting Filipino workers to inhumane working and living conditions. The government of Marcos, Jr. must swiftly comply with the clamor of Filipinos to punish corrupt officials and their cohorts as well as judiciously allocate public funds to finance social protection, wage subsidies, free healthcare, and promotion of labor rights,” bahagi pa ng mensahe ni Ortiz na pinadala ng EILER sa Radyo Veritas.
Ipinagdiwang tuwing ika-7 ng Oktubre ang World Day for Decent Work na may temang “Democracy that delivers for the people,”.




