27,373 total views
Nanawagan si Calapan, Oriental Mindoro Bishop Moises Cuevas na pagtibayin ang pagkakaisa ng Simbahan, pamahalaan, at mamamayan sa pagsusulong ng renewable energy bilang hakbang tungo sa makatao at makakalikasang kinabukasan para sa Mindoro.
Ayon kay Bishop Cuevas, ang paggamit ng renewable energy ay hindi lamang usapin ng kuryente, kundi karapatan ng bawat mamamayang mamuhay sa liwanag na abot-kaya, makatao, at napapanatili.
Ginawa ng obispo ang panawagan sa paglulunsad ng “REnew Mindoro” campaign, na naglalayong isulong ang ganap na paglipat ng isla tungo sa paggamit ng renewable energy.
“If we move collectively as the Church, local governments, civil society, communities, and Indigenous Peoples, Mindoro can truly become an island of light – powered by the sun and wind, not by fossil fuels. Light for everyone, not just for a few. And light that reflects a faith in action,” pahayag ni Bishop Cuevas.
Batay sa ulat ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), malaki ang kakayahan ng isla ng Mindoro sa renewable energy na tinatayang aabot sa 35,000 megawatts (MW), malayo sa 108 MW na kasalukuyang demand ng isla.
Ayon sa CEED, pinakamura pa rin ang kuryenteng mula sa renewable sources na nasa 5-7 piso kada kilowatt hour (kWh), kumpara sa hanggang 23 piso kada kWh mula sa langis.
Sinabi naman ni CEED Deputy Executive Director, Atty. Avril de Torres na malinaw sa mga datos na ang renewable energy, tulad ng solar at wind power, ang pinakaepektibong tugon sa matagal nang suliranin sa kuryente ng Mindoro.
“Renewables are more affordable, reliable, and sustainable. Political will from the government, and the empowerment and leadership of communities are the key to a power development plan that unlocks renewables for all Mindoreños,” ayon kay de Torres.
Patuloy na pinalalakas ng Simbahan ang pagtataguyod sa malinis at napapanatiling enerhiya bilang konkretong tugon sa Laudato Si’ ng yumaong Papa Francisco, na naglalayong pangalagaan ang kalikasan at itaguyod ang katarungang panlipunan, lalo na para sa mga pinakamahihirap na apektado ng krisis sa klima.




