20,738 total views
Nanawagan si Tagbilaran Bishop Alberto “Abet” Uy sa mga nanalo at natalong kandidato sa katatapos lamang na 2025 National and Local Midterm Elections na kolektahin at maayos na itapon ang mga ginamit na campaign tarpaulins.
Ayon kay Bishop Uy, ang pagtatapos ng halalan ay hindi dahilan upang iwan na lamang ang mga ginamit sa pangangampanya sa mga lansangan o poste.
“To the winners of the elections, we respectfully ask you to collect and properly dispose of your campaign tarps,” pahayag ni Bishop Uy.
Hinikayat din ng obispo ang mga hindi pinalad sa halalan na ipakita pa rin ang kanilang integridad sa pamamagitan ng pakikiisa sa paglilinis.
Binigyang-diin ni Bishop Uy, na hangga’t maaari ay muling gamitin o i-recycle ang mga tarpaulin, sa halip na sunugin, dahil sa pinsalang dulot nito sa kalusugan ng tao at sa kalikasan.
“Avoid burning them, as burning causes significant harm to people and the environment,” saad ni Bishop Uy.
Ang panawagan ng makakalikasang obispo ay kaakibat ng patuloy na paninindigan ng Simbahan para sa pangangalaga sa kalikasan at pagtataguyod ng malinis at responsableng pamamahala—sa kampanya man o sa panunungkulan.
Batay sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), tinatayang 6.1 tonelada ng basura ang nakolekta noong mismong araw ng halalan sa National Capital Region pa lamang.