1,687 total views
Umalma ang Makabayan bloc sa pagpayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pag-aangkat ng karagdagang 150-libong metriko toneladang asukal.
Ayon kay ACT Teacher’s party list Representative France Castro, hindi magiging maunlad ang sektor ng agrikultura kung ang pag-aangkat ng mga produkto ang laging tugon ng pamahalaan sa mga kakulangan ng suplay ng bansa.
Nangangamba ang mambabatas na ang mga ganitong hakbang ng gobyerno ang papatay sa kabuhayan ng mga magsasaka at sa sektor ng agrikultura ng bansa na mas tinatangkilik ang mga produktong mula sa ibayong dagat.
“We should be vigilant against the Marcos administration’s penchant for importing agricultural products because it may kill our farmers before we know we would have no agricultural sector to speak of,” ayon kay Castro.
Giit naman ni Kabataan Partylist Executive Vice President Renee Louise Co, dapat ng simulan ng administrasyong Marcos ang pangmatagalang programa para paunlarin ang agrikultura at industriya sa bansa.
“Pero ang pangmatagalang programa para paunlarin ang agrikultura at industriya ng bansa, wala pa. Dapat nang seryosong ipatupad ang tunay na reporma sa lupa para mapalakas ang agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka nang di tayo laging naiipit na mag-angkat na lang lagi,” ayon kay Co.
Ayon kay Co, dapat nang magpatupad ng reporma sa lupa na magpapalakas sa kabuhayan ng mga magsasaka, gayundin ang pagbibigay ng production subsidy at pagbuwag sa cartel.
Muli ring iginiit ng Makabayan bloc ang pagtatalaga ng kalihim sa Department of Agriculture para bigyan tuon ang mga hamon sa tanggapan na kasalukuyang pinangangasiwaan ng Pangulong Marcos.