180 total views
Nararapat na tiyakin ng pamunuan ng Philippine National Police ang maayos na sistema sa Double Barrel Reloaded o Oplan Tokhang 2.
Ito ang hamon ni Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, chairman ng CBCP-NASSA/ Caritas Philippines sa P-N-P bilang lead law enforcement agency sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan.
Iginiit ng Arsobispo na bilang mga tagapag-tiyak sa kaayusan at kaligtasan ng taumbayan ay kailangan nilang maging tapat, makatao at maka-Diyos sa pagganap ng tungkulin at misyon.
“Ang PNP dapat hindi umaatras, hindi dapat magwithdraw, harapin nila ang lahat ng uri ng mga krimen. Pero dapat maging tapat, makatao at maka-diyos sila. Suportahan natin sila sa kanilang mabubuting kilos. Parusahan ang mga scalawags para maibalik nila ang tiwala ng tao.” pahayag ni Tirona sa panayam sa Radio Veritas.
Unang nanindigan si Cebu Archbishop Jose Palma na hindi nito pahihintulutan ang mga Pari mula sa kanilang arkidiyosesis na makibahagi at sumama sa operasyong Oplan Tokhang ng P-N-P sa kanilang lalawigan.
Nilinaw ni Archbishop Palma na hindi mandato o tungkulin ng mga Pari na sumama sa isang police operation.
Sa halip, hinimok ng Arsobispo ang mga pari na pagtuunan nang pansin ang rehabilitasyon ng mga sumukong drug personalities.
Read: Inilatag din ni CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang mga dahilan sa pagtanggi sa imbitasyon ng PNP chief na sumama ang mga pari sa operasyon ng Oplan Tokhang 2.
Read: http://www.veritas846.ph/simbahan-hindi-ikokompriso-ang-prinsipyo-paninindigan-sa-culture-death/
Sa tala mula July 2016, higit-kumulang na sa 7-libong indibidwal ang nasawi sa War on Drugs ng pamahalaan.
Samantala sa mismong tala ng P-N-P noong 2016, tinatayang 1,122 na mga P-N-P Personnel ang may kasong administratibo.