2,517 total views
Ikinatuwa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang paglago ng personal remittances mula sa mga overseas Filipino workers ng 2.4 billion dollars noong Abril 2016.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng komisyon, umabot rin aniya sa 8.7 milyon ang mga remittances na dumaraan sa bangko na naipapadala ng mga OFWs na nakatutulong hindi lamang sa kanilang pamilya kundi pati na rin sa ekonomiya ng bansa.
“Napakagandang balita na kung saan tumaas ng 8.7 billion dollars ang remittance. Yan ang dumadaan sa mga remittances sa mga bangko. Subalit, tandaan rin natin na mas malaki pa rin ang padala yung mga uuwi na may pabaon, may binibigay. Malaking tulong ito sa ekonomiya, malaking tulong ito sa bansang Pilipinas,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Gayunpaman, sinabi ni Bishop Santos na kinakailangan ring suklian ng pamahalaan ang pagsusumikap ng mga OFW sa tamang paggamit ng pondo ng bayan na hindi lamang naibubulsa sa korapsyon at katiwalian.
“Dapat ring pahalagahan ng ating gobyerno na ang perang ito ay dapat gamitin sa ekonomiya, sa edukasyon, sa pamilya, sa mga imprastraktura at bantayan natin na ito ay hindi mauwi sa korapsyon at katiwalian,” paghihimok ni Bishop Santos sa pamahalaan.
Base naman sa forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas, posibleng umabot sa 26 billion dollars ang kabuuang remittances ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat hanggang sa pagtatapos ng taong 2016. Kumpara ito sa 25.7 billion dollars na ipinadala ng mga ofw noong isang taon.
Mahigit pitumpu’t limang porsyento ng cash remittances ay mula sa Amerika, Saudi Arabia, UAE, Singapore, UK, Japan, Qatar, Hong Kong, Kuwait at Germany.
Nauna na ring pinapurihan ng kanuyang Kabanalan Francisco ang kasipagan ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo.(Romeo Ojero)