214 total views
Pinangunahan ng CBCP NASSA Caritas Philippines ang isang faith-based forum for development and ecological agenda na may temang “Cry of the Earth, Cry of the Poor” bilang bahagi ng paggunita sa unang anibersaryo ng pagsasapubliko ng Laudato Si ni Pope Francis.
Sa naturang forum, nanawagan ang iba’t ibang non-government organizations sa susunod na administrasyon na tiyakin ang kapakanan ng kalikasan at ng mga apektado ng pagkasira nito.
Kaugnay dito, binigyang diin ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, chairman ng CBCP NASSA Caritas Philippines na ang mga agendang ito ay dapat seryosohin at agad tugunan.
“Ang forum na ito ay pagsasama-sama ng mga adhikain ng ibat ibang sektor ng ating lipunan at lahat ng yan ay ipapaabot natin sa bagong mamumuno ng ating bansa siyempre ang Simbahan ay nandyan para tulungan sila sa kanilang mga hinaing at tinig ay makaabot sa kinauukulan.”Pahayag ni Abp. Tirona sa Radyo Veritas
Kabilang sa mga agendang nais ihain ng grupo sa susunod na administrasyon ang pagkakaloob ng proteksyon sa karapatan ng maliliit na magsasaka at mangingisda at pagbibigay ng karagdagang subsidies na susuporta sa lokal na produksyon.
Hiling rin ng grupo ang pagbibigay galang sa kultura ng mga katutubo sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad sa Indigenous People’s Rights Act, pagbibigay ng programang magpapaunlad ng pangkabuhayan at pagprotekta sa kanilang karapatang pantao.
Sa bahagi naman ng mga manggagawa, muling binigyang diin ang usapin ng kotraktualisasyon at pagtataas ng minimum wage sa P750.00 sa mga empleyado ng pribadong kumpanya at minimum na P16,000 kada buywan sa mga government employees.
Samantala sa pangangalaga sa kalikasan patuloy ang panawagan ng mga environmental ps para sa transition patungo sa renewable energy at pagpapasara sa mga kasalukuyang coal power plants na nag ooperate sa bansa.
Sa usapin naman ng pagmimina, nais ng grupo na agad na maipatupad ang Alternative Minerals management Bill at pagkumpleto sa “No-Go Zones” map at pag-rehabilitate sa nasirang kapaligiran ng mga minahang kasalukuyang nakabukas sa bansa.
Para naman sa mga mahihirap na unang naaapektuhan ng mga kalamidad, humihingi ang grupo ng karagdagang pondo para sa mga lokal na pamahalaan, at pag organisa ng grupong National and Regional Disaster Risk Reduction and Management Training Institute upang umagapay sa mga lokal na pamahalaan para sa Climate Change Adaptation.
Tinatayang mahigit 30 non-government organizations at faith based organizations na nag mula sa ibat ibang sektor ng lipunan tulad ng mga mag sasaka, mangingisda mga katutubo, mga manggagawa at mga apektadong residente ng pag mimina at coal fired power plants ang lumahok sa naturang forum.