152 total views
Tiwala si Senador Joel Villanueva na malaki ang ginagampanang papel ng Simbahan para sa rehabilitasyon ng mga sumukong drug dependents.
Kinilala ni Villanueva ang ginagawang hakbangin ng mga religious groups lalo na ng ilunsad ng Diocese of Novaliches ang kauna – unahang “community based rehabilitation center.”
Patuloy namang hinimok ni Villanueva ang mga religious groups at religious sectors na makiisa sa pamahalaan na maglunsad ng mga ganitong uri ng rehabilitation centers sa mga local communities upang panumbalikin ang espiritwalidad ng mga sumukong drug users and pushers.
“Sa gawain ng Simbahan talagang kailangan mag – step – up ang lahat ng religious groups, religious sectors. Kasi alam natin and studies would also bail me out na anlaki ng tulong nung spiritual well – being ng ating mga kababayan when it comes to rehabilitation napakalaking bagay nito. At importanteng – importante po to para makalago at hindi lang makalago kung hindi magkaroon ng mas produktibong pamumuhay ang ating mga kababayan,” bahagi ng pahayag ni Sen. Villanueva sa panayam ng Veritas Patrol.
Sa datos mismo ni Rev. Fr. Luciano Feloni, kura paroko ng Our Lady of Lourdes Parish, Brgy. 174, Camarin Caloocan na mahigit 40 drug dependents ang sasailalim sa home-based rehabilitation na ipinagkaloob ng kanilang komunidad katuwang ang lokal na pamahalaan.
Nauna na ring nagpahayag ang Simbahang Katolika na suportado nito ang kampanya kontra ilegal na droga ng pamahalaan ngunit kinukundina nito ang dumaraming bilang ng extrajudicial killings sa bansa.