9,795 total views
Pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko hinggil sa mga kumakalat na balita sa social media hinggil sa panibagong ‘international health concern’ na posibleng maging katulad ng pandemyang coronavirus disease o COVID-19.
Kaugnay ito sa Human Metapneumovirus (HMPV) na dahilan ng kasalukuyang respiratory outbreak sa China, na maaaring magdulot ng mild cold-like symptoms hanggang sa severe respiratory illness, lalo na sa mga bata, matatanda, at may mahinang immune system.
Nilinaw naman ng DOH na ang mga impormasyong kumakalat sa social media ay wala pang kumpirmasyon mula sa World Health Organization o maging sa China.
“The Philippines, through the Department of Health (DOH), is an active participant in the network of WHO Member States that follow the International Health Regulations (IHR). This established system is what gives reliable updates about international health concerns,” pahayag ng DOH.
Gayunman, tiniyak ng kagawaran ang pagbabantay at pagkalap ng wastong impormasyon hinggil sa mga karamdamang maaaring magdulot ng banta sa kalusugan ng publiko.
Pakiusap ng DOH na iwasan ang pagbabahagi ng mga impormasyon mula sa mga kaduda-dudang website o online platforms na maaaring magdulot ng takot at kalituhan.
“Please do not share questionable websites or online sources. Let us not spread misinformation and confusion,” ayon sa DOH.
Magugunita noong January 1, 2020, limang taon na ang nakalilipas, nang kumpirmahin ng WHO ang pagkalat ng COVID-19 mula sa Wuhan, China na labis na nagpahirap at kumitil sa buhay ng milyon-milyong populasyon sa iba’t ibang panig ng mundo.