8,067 total views
Inalala ng World Health Organization (WHO) ang mga nabago at nawalang buhay dulot ng paglaganap ng nakahahawang at nakamamatay na coronavirus disease o COVID-19, limang taon na ang nakalilipas.
Ibinahagi ng WHO na sa pagsisimula ng 2020, agad na kumilos ang ahensya upang maglabas ng mga paalala para sa mga bansa, at tinipon ang mga dalubhasa upang pag-aralan ang ‘viral pneumonia’ na nagmula sa Wuhan, China.
“All along, we convened experts and ministries of health from around the world, gathered and analyzed data, and shared what was reported, what we learned and what it meant for people,” pahayag ng WHO.
Habang ginugunita ang yugtong ito, kinilala ng WHO ang mga patuloy na naghihirap mula sa COVID-19 at long COVID, at ang sakripisyo ng mga healthcare worker.
Nananawagan din ang ahensya sa China na magbahagi ng impormasyon tungkol sa pinagmulan ng COVID-19 upang matulungan ang mundo sa pag-iwas at paghahanda laban sa mga susunod na pandemya.
“This is a moral and scientific imperative. Without transparency, sharing, and cooperation among countries, the world cannot adequately prevent and prepare for future epidemics and pandemics,” giit ng WHO.
Batay sa Statista, umabot na sa halos 700 milyon ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong mundo, kung saan mahigit 7 milyon dito ang namatay.
Sa Pilipinas, naitala naman ang mahigit 4.1 milyong kaso, at halos 67,000 ang namatay.
Sa kasagsagan ng pandemya, naglabas ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng Oratio Imperata laban sa COVID-19 upang hilingin ang proteksyon at kagalingan ng lahat mula sa nakahahawa at nakamamatay na karamdaman.
Nakipagtulungan din ang simbahan sa pamahalaan sa pagpapalaganap ng vaccine confidence sa mga pamayanan upang suportahan ang COVID-19 vaccination campaign.