6,639 total views
Hinimok ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research o EILER ang sektor ng mga manggagawa na ipagpatuloy ang pakikibaka para sa kanilang karapatan para sa taong 2025.
Ayon sa Church Based Labor Group, ito ay upang makamit na ng mga manggagawa ang mga panawagan na katarungang panlipunan tulad ng pagbuwag sa kontrakwalisasyon at pagtataas ng suweldo, pagbibigay ng kaukulang benepisyo gayundin ang pagtiyak ng kaligtasan sa lugar paggawa.
“Patuloy nating itayo ang ating mga unyon. Hasain natin ang ating makapangyarihang sandata para sa kapakanan at karapatan. Gamit ito, sumulong tayo para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya hanggang sa ganap na pagbabagong panlipunan!,” ayon sa mensahe ng EILER.
Umaasa ang EILER na higit na lumawak ang kaalaman ng mga mamamayan hinggil sa kahalagahan ng pagbibigay katarungan sa paggawa at pakikiisa sa karaingan ng mga manggagawa.
Iginiit naman ng EILER panawagan na ‘Sahod Itaas! Presyo Ibaba!’ at ‘Hashtag Mangahas 2025’.
“Sa 2025: mas malawak, mas matibay, mas malakas! 💪 Ang ating panata: MANGAHAS!
Mangahas umabot at magpalawak! Mangahas makibaka! Mangahas magtagumpay! 🚩
#Mangahas2025 #KMU45,” bahagi pa ng mensahe ng EILER.
Unang nakiisa ang Kaniyang Kabanalang Francisco sa pag-apela sa mga employers sa buong mundo na tiyaking ligtas ang mga manggagawa tuwing nasa trabaho.