10,578 total views
Pinag-iingat ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mananampalataya sa patuloy na pagdami ng misinformation at disinformation sa internet.
Ayon sa Obispo, dapat maging mapagmatyag ang mamamayan upang maiwasang mabiktima ng scam lalo na sa online.
“In this age of misinformation and deceit, it’s crucial that we remain vigilant. Please take care to verify the authenticity of any messages or videos you encounter,” ayon sa pahayag ni Bishop Uy.
Batid ni Bishop Uy na may ilang indibidwal na ginagamit ng kanyang pagkakilanlan sa pamamagitan ng paglikha ng pekeng social media account tulad ng Facebook upang linlangin ang mga followers online.
Muling binalaan ng obispo ang mamamayan hinggil sa mga video at larawang kumakalat online na nilikha sa deep fake technology na isang artificial intelligence tool na ginagaya ng ang pagkilanlan ng isang indibidwal.
Kamakailan lang ay ginamit ang mukha at boses ni Bishop Uy sa isang product advertisement online kaya’t mariin ang paalala nitong maging mapanuri at mag-ingat sa mga napapanuod at nababasa online.
“I want to emphasize that while I am an evangelizer of Christ, I do not endorse any products,” giit ni Bishop Uy.
Una nang hiniling ng obispo sa mananampalataya na i-report ang mga pekeng social media account na nagtataglay ng mga ‘deep fake created video materials’ upang makaiwas sa scam ang mamamayan.
Ang ‘deepfake’ technology ay isang uri ng Artificial Intelligence na lumilikha ng convincing fake images, videos at audio recordings ng isang indibidwal.
Sa datos ng DataReportal nasa 86 na milyong Pilipino ang aktibo sa paggamit ng social media Lalo na ang Facebook habang naitala naman ng Statista research noong 2023 ang 14, 000 Pilipinong biktima ng online scam o mas mataas ng 100 porsyento kumpara sa pitong libong kaso noong 2022.
Patuloy na pinag-iingat ng Simbahan ang mananampalataya laban sa mga grupo at indibidwal na ginagamit ang pagkakilanlan ng mga cardinal, obispo, pari at mga institusyon ng simbahan para sa scam activities.