9,421 total views
Ito ang paanyaya ni Radio Veritas President Fr. Anton Pascual sa mananampalataya sa Mary and the Healing Saints Exhibit ng himpilan katuwang ang Fisher Mall, Quezon City.
Ayon sa pari, katuwang ng mga may karamdaman ang Mahal na Ina at mga banal sa pagdulog sa Diyos para sa kagalingan at kalusugan.
“Experience the healing grace of God through the intercession of the Blessed Mother Mary and the saints. May you be blessed while you experience the miracle, the power, and the blessing of Jesus Christ through her mother, Mama Mary. Kaya inaanyayahan ko kayo sa ating Mary and the Healing Saints exhibit,” ayon sa pahayag ni Fr. Pascual.
Sinabi ng pari na sa pamamagitan ng makainang pagkalinga ni Maria lalo na sa mga may karamdaman ay makakamtan ng tao ang pagpapagaling ng Diyos.
Nitong September 18 ay pormal na binuksan ng himpilan ang exhibit sa activity center ng Fisher Mall sa Quezon Avenue tampok ang mahigit 100 imahe kabilang na ang mga canonically crowned Marian images.
Pinangunahan ni Batanes Vicar for Clergy at Chancellor Fr. Vhong Turingan ang pagbabasbas at ribbon cutting kasama ang mga kinatawan ng mall.
Ito na ang ika – 18 Marian Exhibit ng Radio Veritas na bahagi ng gawaing ebanghelisasyon sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria.
Bukas sa publiko ang exhibit hanggang September 29, 2024 tuwing alas 10 ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi kung saan maaaring magpatala ang mamamayan para sa kanilang mass intentions na isasama sa healing masses ng himpilan araw-araw tuwing alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali, alas sais ng gabi at alas dose ng hatinggabi.
Tinagurian ang Pilipinas bilang Pueblo Amante de Maria dahil sa masidhing pamimintuho ng mga Pilipino sa Mahal na Birhen bilang masintahing ina ng Panginoong Hesus at ng sanlibutan.