224 total views
Naglunsad ng Medical Mission ang Our Lady of the Angels Parish na bahagi ng proyekto ng Episcopal District of St. Mathew sa Brgy.Villa Ibaba, Atimonan Quezon ngayong ika-19 Marso.
Ayon kay Rev. Fr. Warren Puno–Our Lady of the Angel’s Parish Parochial Vicar, layunin ng kanilang parokya na iparamdam sa mga residente ng barangay ang pagkalinga ng simbahan.
Dagdag pa rito, hinihimok ng pari ang mga mamayan na makiisa sa adbokasiya ng simbahan na protektahan ang kalikasan at tutulan ang nakaambang pagtatayo ng 1,200 MW Coal Fired Power Plant sa naturang barangay.
“Pinili namin yung Brgy. Villa Ibaba kasi dun yung site ng itatayong 1200MW na coal fired power plant dito sa atimonan… kasi yung mga power plants yung mga kumpanyang yan, nag o-offer din ng mga ganito, parang yun yung paraan nila para mahikayat din yung mga tao dun sa area na pumayag na matayuan ng power plant sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ganitong services. Ang simbahan naman pwede naman ding magbigay, pwede ring mag offer ng mga ganitong medical mission at kung anu pa yung ibang tulong na pwede naming maibigay, so it’s not only pagbibigay ng tulong medical sa kanila, magbibigay din kami ng mga sabon, tapos may dala din konting mga libro para sa mga bata at maramdaman din ng mga tao doon na ang simbahan ay concerned sa kanila.” Pahayag ni Fr. Puno sa Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan mayroon nang 735MW Coal Fired Power Plant sa Pagbilao Quezon, habang patuloy naman tinututulan ng mamamayan ang pagtatayo ng 1200MW Coal Fired Power Plant sa Atimonan.
Ayon sa National renewable Energy Board, kung hindi pipigilan ang pagtatayo ng mga karagdagang planta, sa mga susunod na taon ay magiging 80% hanggang 90% dependent ang Pilipinas sa maruming enerhiya.
Samantalang batay sa datos ng pamahalaan, may kakayahan ang Pilipinas na magtustos ng mahigit 200,000 MW na kuryente mula sa iba’t ibang renewable sources ng bansa.
Una nang hinimok ni Pope Francis sa kanyang laudato Si ang mga mambabatas na lumikha ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang mga Fossil Fuels upang sa mga susunod na taon ay tuluyan nang mawala ang lubhang mapaminsalang emissions na nagmumula sa pagsusunog sa mga Fossil Fuels.