508 total views
Pinag-iingat ng pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Family and Life ang mga katuwang na Family and Life Apostolate and Ministry ng kumisyon sa paggamit ng social media lalo na ngayong panahon ng halalan.
Sa mensaheng ipinaabot ni Rev. Fr. Enrico Emmanuel Ayo, Executive Secretary ng kumisyon sa Facebook page ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life, ibinahagi ng Pari ang paalala ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera na siyang chairman ng kumisyon sa naaangkop na paggamit ng social media platforms para sa pagsusulong ng misyon at adbokasiya ng Simbahang Katolika.
Kabilang sa mga impormasyon na ipinapayong maging laman ng mga social media platforms ng kumisyon ay ang mga update sa mga ginagawang aktibidad at gawain ng Family and Life Apostolate and Ministry at National Family and Life Organizations na may kaugnayan sa pagsusulong ng kasagraduhan ng buhay at pamilya.
“Esteemed partners in the Family and Life Apostolate and Ministry, acting upon the instructions of our Chairman, Most Rev. Gilbert A. Garcera, we respectfully remind all that, in the various ECFL Social Media platforms, we welcome updates on the Family and Life Apostolate and Ministry from the ECFL National, Regional and Diocesan levels and from our National Family and Life Organizations,” bahagi ng mensahe ni Fr. Ayo sa Facebook page ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life.
Ayon sa Pari, bukod sa mga gawain at misyon sa pagsusulong ng kasagraduhan ng buhay at pagpapamilya, kabilang rin sa mga maaaring ibahagi sa mga social media platforms ng Family and Life Apostolate and Ministry ay ang mga mensahe at gawain ng iba pang kumisyon ng CBCP gayundin ang mga update mula sa Kanyang Kabanalan Francisco at mga tanggapan sa Vatican.
Paliwanag ni Fr. Ayo, mahalagang maging maingat ang bawat isa sa pagbabahagi ng mga impormasyon lalo na ngayong panahon ng halalan na maaaring ituring na may kaugnayan sa partisan politics sa nalalapit na 2022 National and Local Elections.
“Moreover, in communion with the CBCP, we share updates from the General Secretariat and from the Episcopal Commissions. Finally, we post updates from the Holy Father and the Vatican Dicasteries. Please refrain from posting materials that can be identified with partisan politics or with endeavors not directly connected with the Family and Life Apostolate,” dagdag pa ni Fr. Ayo.
Matatandaang una na ring nagbabala ang CBCP – Episcopal Commission on Social Communications na maaring magamit sa kabutihan o kasamaan ang internet at social media lalo na kung hindi magiging mag-ingat at matalino ang bawat isa sa paggamit nito sa halalan.