1,981 total views
Hinamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinala Advincula ang mga Palawenyo na ipagpatuloy ang misyon sa simbahan bilang pagkilala at pasalamat sa Diyos sa biyaya ng kristiyanismo.
Sa mensahe ng arsobispo sa Misa Pasasalamat sa pagtapos ng 400 Years of Christianity celebration ng Palawan binogyang diin ng cardinal na ganap maipakikita sa Panginoon ang kagalakan at pasasalamat sa pagsisikap ma higit maibahagi sa pamayanan ang diwa ng kristiyanismo.
“Ang pangunahin nating misyon ay pangalagaan, palalimin at ibahagi ang pananampalatayang ating tinanggap,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Ayon sa opisyal mahalagang ipagpasalamat sa Panginoon ang biyaya ng kristiyanismo lalo’t makalipas ang 400 taon at patuloy itong lumago at namunga sa buong isla.
Apela ni Cardinal Advincula sa mamamayan lalo na sa mga magulang na paigtingin ang paghubog sa mga kabataan dahil ito ang inaasahang magpaunlad sa pananampalataya sa mga susunod na henerasyon.
“Mga magulang kayo ang unang katekista sa inyong mga anak, kayo ang unang misyonero at misyonera sa inyong mga tahanan sana sa inyong tahanan ipinapasa na ang pananampalataya ipakilala natin sa ating mga anak ang Diyos,” giit ng cardinal.
Lubos naman ang pasasalamat ni Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona sa mga Palawenyong nagbuklod sa natatanging pagdiriwang sa Quadricentennial Anniversary ng kristiyanismo sa isla.
Kinilala ng pastol ang pagsusumikap ng bawat isa upang mapahalagahan ang pananampalatayang ipinamana ng mga ninuno lalo na ng mga Agustinong Recolleto na unang nagdala nito sa Cuyo Island noong 1622.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nakiisa at tumulong na maisakatuparan ang isang taong pagdiriwang ng pasasalamat sa gift of faith sa Palawan. The challenge now is to spread more the faith lalo na sa peripheries,” pahayag ni Bishop Mesiona sa Radio Veritas.
Ginanap ang closing mass sa RVM Sports Complex sa Puerto Princesa kung saan bukod kay Bishop Mesiona katuwang din ni Cardinal Advincula sa misa sina Bishop Broderick Pabillo at Bishop Edgardo Juanich.
Mula sa iilang kataong nabinyagan sa Cuyo Island apat na sentenaryo ang nakalilipas umabot na sa humigit kumulang isang milyon ang mananampalataya sa isla ng Palawan na binubuo ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa at Taytay.