11,297 total views
Inaanyayahan ng Camillians – Philippine Province ang lahat na makibahagi sa pagtatapos ng isang taong pagdiriwang ng ginintuang anibersaryo ng pagdating ng mga paring kamilyano sa Pilipinas.
Isasagawa ang pagdiriwang bukas, March 8, na magsisimula alas-7 ng umaga sa pamamagitan ng motorcade dala ang relikya ni San Camilo de Lellis mula sa Saint Camillus Provincialate sa Loyola Heights, Quezon City patungo sa Immaculate Conception Cathedral of Cubao o Cubao Cathedral.
Pagdating ng relikya sa katedral ay isasagawa ang public veneration, at susundan ng pagdiriwang ng Banal na Misa sa ganap na alas-8:30 ng umaga na pangungunahan ni Cubao Bishop Elias Ayuban, Jr., CMF.
Sa ala-una ng hapon, magpapatuloy ang programa sa St. Camillus Seminary sa Marikina Heights, Marikina City, bilang bahagi ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Camillian mission sa Pilipinas.
Tema ng pagdiriwang ang “Puso sa Misyon: Limang Dekadang Pasasalamat, Pagninilay, at Pagtugon sa Misyon ng Diyos.
Taong 1974 nang dumating sa Pilipinas ang mga Kamilyano na nagbunga ng patuloy na paglago ng lokal na bokasyon at pagtatatag ng Camillian religious houses sa bansa.
Noong July 1, 2003, ganap nang itinatag ang Camillian Philippine Province bilang bahagi ng pagpapalaganap ng misyon sa paglilingkod.
Si San Camilo de Lellis ang nagtatag ng Ministers of the Sick, na kalauna’y nakilala bilang Ministers of the Infirm o Camillians, na ang tungkuli’y maglingkod sa mga may karamdaman at higit na ilapit ang kagalingang hatid ng Panginoong Hesukristo.
Si San Camilo ay kinikilalang patron ng mga may karamdaman, mga ospital, at healthcare workers.