13,293 total views
Nanawagan ng sama-samang pananalangin ang humanitarian, development and advocacy arm of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa pagbuti ng kalusugan at kagalingan ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, mahalaga ang sama-samang pananalangin ng bawat isa para sa mabilis na paggaling ng punong pastol ng Simbahan na nanatiling malubha ang kalagayan.
Partikular na nanawagan ang Obispo na ipanalangin ang pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria upang malagpasan ni Pope Francis ang kasalukuyang pagsubok sa kanyang kalusugan.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo, may pambihirang kapangyarihan ang pananalangin na isang paraan upang sama-samang idulog ang mga hinaing at intensyon sa Panginoon.
“Ang ating mahal na Santo Papa ay nasa malubhang kalagayan ngayon at ang panawagan ng ating Simbahan ay magkaisa tayong manalangin para sa kanyang kabutihan at para malagpasan niya itong pagsubok sa kanyang kalusugan. And therefore, I ask lahat ng ating mga kapatid na may pagmamahal sa ating Santo Papa, mag-alay po tayo ng dasal at nawa’y sa tulong ng dasal at panalangin ng ating Mahal na Ina, the Blessed Virgin Mary ay the Holy Father may overcome itong trial na dumating sa kanyang buhay.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Batay sa pinakahuling medical bulletin ng Holy See, nanatiling kumplikado ang kondisyon ang 88-taong gulang na Santo Papa matapos na maospital sa Agostino Gemelli University Polyclinic sa Roma noong February 14, 2025 dahil sa respiratory infection.
Sa unang pagkakataon naman ay personal na nagpaabot ng pasasalamat si Pope Francis para sa lahat ng patuloy na nananalangin para sa kanyang kalusugan mula ng siya ay maospital 21-araw na ang nakakalipas.
Ipinaabot ng Santo Papa ang kanyang pasasalamat sa pamamagitan ng voice recording na inirekord sa wikang Espanyol na ipinarinig sa pagsisimula ng pananalangin ng Santo Rosaryo sa St. Peter’s Square sa Vatican noong Huwebes ng alas-nuebe ng gabi oras sa Roma.