14,514 total views
Pinaalalahanan ng mga obispo ng Bohol ang nasasakupang mamamayan sa pakikilahok at pakikiisa sa pagsusulong ng ikabubuti ng lipunan lalo na sa pagpili ng mga lider sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Sa liham pastoral nina Tagbilaran Bishop Alberto Uy at Talibon Bishop Daniel Patrick Parcon, iginiit na ang pagboto ay hindi lamang tungkuling sibil kundi isang sagradong responsibilidad na nangangailangan ng atensyon, pagninilay at pagsusuri.
“Hinihimok namin ang bawat isa sa inyo na balikan ang matapat na landas ng halalan sa pamamagitan ng pagsasantabi sa masasamang gawain na nakarurumi sa sistema ng eleksyon tulad ng Vote Buying at Vote Selling,” bahagi ng liham pastoral nina Bishops Uy at Parcon.
Iginiit ng mga obispo na ang mahalaga ang bawat boto sapagkat ito ang desisyon at boses ng ordinaryong mamamayan na nagluluklok ng mga taong pagkakatiwalaang mamuno sa bayan.
“Kung ibibenta ang boto, mawawalan ng boses at desisyon ang mamamayan. Parang hindi pinahahalagahan ang kalayaan at kinabukasan ng bayan,” dagdag ng mga opisyal.
Sinabi nina Bishops Uy at Parcon na ang pagbili ng boto ay isang panunuhol o electoral bribery na isang paglabag sa batas at malaking kasalanan laban sa Diyos.
Apela ng mga obispo sa nasasakupan ang aktibong pakikilahok sa proseso ng nalalapit na halalan sa susunod na taon sa pamamagitan ng mga paraang bilang mga kandidato, botante, tagamasid, tagasuporta, prayer warriors, guro, o peacekeeper — para sa ikabubuti ng kabutihang panlahat.
Hinikayat ng dalawang lider ang bawat sektor kabilang na ang pinuno ng Simbahan at Pamahalaan, mga pinuno ng NGO, mga guro sa paaralan, mga influencer ng mainstream at social media, at mga pinunong panlipunan na magtulungang itaguyod ang maayos, malinis at matapat na halalan sa pamamagitan ng voter’s education.
“Hinihimok namin ang lahat ng mga lingkod at manggagawa ng Simbahan sa buong lalawigan ng Bohol na palakasin ang pagsisikap na turuan ang mga botante na gamitin ang kanilang konsensya. Hindi lamang tayo magbibigay ng patnubay sa mga usaping moral at panlipunan, kabilang din dito ang pagninilay sa mga prinsipyo at pagpapahalagang gumagabay sa mga desisyong pulitikal, upang makapili ng mga pinunong may kapasidad, puso at integridad,” giit nina Bishops Uy at Parcon.
Panawagan din nito sa mga tumatayong lider ng mga kandidato lalo na sa mga lingkod simbahan na iwasang makisangkot sa maling sistema ng halalan sa halip ay mangunang isulong ang maayos na pamamaraang nakabatay sa batas at moralidad.
Batay sa calendar of activities ng Commission on Elections nakatakda ang paghahain ng kandidatura sa October 1 hanggang 8 kasabay na rin ang pagpapalit ng mga kandidato ng bawat partido gayundin ang paghahain ng Certificates of Nomination and Acceptance of Nomination (CON-CAN) ng mga partylist.
Sa Resolution No. 10999 ng COMELEC itinakda ang election period mula January 12 hanggang June 11, 2025. Magsisimula ang 90-day campaign period ng mga senador at partylist sa February 11 hanggang May 10 habang ang 45-day campaign naman sa local candidates sa March 28 hanggang May 10 o isang araw bago ang halalan sa May 11, 2025.