Inaanyayahan ng pamunuan ng Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception ang bawat isa na makibahagi sa inihandang Lenten Exhibit ng Manila Cathedral para sa mga mananampalataya.
Tampok sa tinaguriang “FIAT VOLUNTAS TUA: Thy Will Be Done” Lenten Exhibit ang iba’t ibang imahen na makatutulong sa pagninilay para sa Mahal na Araw upang magsilbing gabay sa mas malalim na pagninilay sa pagpapakasakit at kamatayan ng Panginoon
Ayon sa pamunuan ng Manila Cathedral, ang pagbisita sa nasabing Lenten Exhibit ay isa ring makabuluhang gawain ngayong Kwaresma na banal na panahon ng panalangin, pag-aayuno, at pagsisisi.
“We invite everyone to our Lenten Exhibit, entitled ‘FIAT VOLUNTAS TUA: Thy Will Be Done,’ featuring various images that may be a useful way to prepare ourselves for the coming Holy Week as we celebrate the Passion of the Lord,” Bahagi ng paanyaya ng pamunuan ng Manila Cathedral.
Naganap ang blessing at ribbon-cutting ceremony noong unang araw ng Marso na pinangunahan ni Manila Cathedral Rector Msgr. Rolando Dela Cruz, kasama ang mga debotong nagbahagi ng kanilang mga imahen para sa nasabing gawain.
Inaanyayahan ang mga deboto, pamilya, at mga pamayanang pansimbahan na makiisa sa pagninilay sa pamamagitan ng pagbisita sa eksibit bilang bahagi ng kanilang espiritwal na paghahanda sa paggunita sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon.
“As we observe this sacred season of prayer, fasting, and repentance, we invite everyone to our Lenten Exhibit of various Holy Week images that may inspire deeper reflection and draw us closer to Christ throughout the Lenten season,” Dagdag pa ng Manila Cathedral.
Maaring bisitahin at masaksihan ng publiko ang Lenten Exhibit mula March 1 hanggang 15, 2026 sa Blessed Souls and St. Jude Chapel ng Manila Cathedral.






