Inaanyayahan ni Radyo Veritas President Fr. Roy Bellen ang mga mananampalataya na makibahagi sa taunang Lenten–Holy Week Exhibit ng himpilan na may temang “Transitus: Journeying with Christ from the Cross to Eternal Life.”
Ayon kay Fr. Bellen, layunin ng gawain na tulungan ang mga mananampalataya na mapalalim ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagninilay sa paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesus.
“Through this exhibit, we hope to offer a space for reflection, prayer, and spiritual encounter. As we walk with Christ in His passion, death, and resurrection, may we also rediscover the meaning of our own journey of faith—marked by sacrifice, renewal, and hope,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radyo Veritas.
Sa pakikipagtulungan ng himpilan sa Fisher Mall sa Quezon City, muling bubuksan ang exhibit sa March 23, alas-10 ng umaga sa activity center ng establisimyento, at tatagal hanggang April 5, Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Sa gitna ng tumataas na gastusin dahil sa pagmahal ng presyo ng langis, binigyang-diin ng pari na mahalagang mailapit sa mga mananampalataya ang mga gawaing espiritwal nang hindi kinakailangang bumiyahe sa malalayong lugar.
“Bringing this initiative to public spaces, reaching our brothers and sisters in malls and daily settings, offering them a moment of pause and encounter to rediscover the sacredness of the Lenten season amidst their busy lives,” saad ng pari.
Ayon pa kay Fr. Bellen, nagsisilbing alternatibong paraan ang exhibit upang maisabuhay ang debosyon at pagninilay ngayong Kuwaresma sa mga lugar na mas madaling puntahan, malapit sa mga parokya at komunidad.
Binibigyang-diin din ng pari ang natatanging kahalagahan ng exhibit ngayong taon kasabay ng paggunita sa ika-800 anibersaryo ng Transitus ni San Francisco de Assisi.
“This year’s exhibit is particularly significant as we commemorate the 800th anniversary of the Transitus of St. Francis of Assisi, reminding us of the grace in moving from earthly life to eternal communion with God,” ani Fr. Bellen.
Muling pinagtibay ni Fr. Bellen ang misyon ng Radyo Veritas bilang daluyan ng Mabuting Balita.
“Radio Veritas remains steadfast in its mission to bring the Gospel to every home and every heart. In this sacred season, we reaffirm our commitment to support the faithful through prayerful content and meaningful reflections that deepen their encounter with Christ,” giit ni Fr. Bellen.
Umaasa ang pamunuan ng himpilan na magsilbing daan ang exhibit sa higit na pagpapanibago ng pananampalataya at mas malalim na pakikipagtagpo ng mga dadalo kay Hesukristo.






