167 total views
Nararapat na personal na manindigan at sumunod sa kanilang konsensya ang mga mambabatas sa halip na magpadala sa udyok at kautusan ng kanilang kina-aanibang partidong politikal.
Ito ang hamon sa mga mambabatas ni Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio ‘Ambo’ David – chairman ng CBCP Permanent Committee on Cultural Heritage of the Church kaugnay sa patuloy na pagpupumilit sa pagbabalik ng capital punishment sa bansa.
Ayon kay Bishop David, tungkulin ng mga mambabatas na manindigan sa kasagraduhan ng buhay lalo’t napatuyan na ng ibang mga bansa na hindi tunay na epektibo ang pagpapatupad ng death penalty sa pagpapababa ng kriminalidad.
“Sana sila’y manindigan personally at sumunod sa kanilang konsensya hindi lang sumunod sa party line, kasi biro mo ang kasangkot dito ay buhay, ganyan lang ba kadali na all because you will go with the party line you will make a stand to resume the death penalty? Napakaseryosong bagay niyan.”pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, binabantayan ng Simbahan at ng mga Pro-Life advocates ang inaasahang botohan sa naturang panukalang batas na target maipasa bago mag-recess ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ika-15 ng Marso, 2017.
Patuloy din ang ginagawang pagkilos ng Simbahan para himukin ang mamamayang Pilipino na manindigan at protektahan ang buhay.
Sa ika-31 taong paggunita ng EDSA people power revolution sa ika-25 ng Pebrero magsasagawa ng “walk for life” ang archdiocese ng San Fernando Pampanga.
Read: http://www.veritas846.ph/save-lives-lakad-laban-sa-karahasan/
Matatandaang taong 2006 ng opisyal na lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagbuwag sa Death Penalty sa bansa kung saan sa ilalim rin ng Administrasyong Arroyo nilagdaan ng Pilipinas ang Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights na nagbabawal sa mga kaisang bansa na muling ibalik ang Capital Punishment na parusang kamatayan.
Batay sa tala ng Amnesty International, nasa 140- bansa na ang nag-abolish sa kanilang parusang kamatayan.