216 total views
Maling alegasyon at kasinungalingan ang naging batayan ng pag-reject sa ad interim appointment ni dating Department of Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
Itinanggi ni Mariano ang mga bintang na may kaugnayan ito sa ginawang pagsalakay ng mga komunistang rebelde sa Lapanday Foods Corporation sa lungsod ng Davao.
“Ang alegasyon ako daw po ay nagkaroon ng partisipasyon sa pagpaplano ng mga insidenteng naganap doon sa Lapanday. Ang alegasyon na yon ay base sa intelligence report. So akin pong pinasinungalingan yon, I categorically denied, walang basehan, at puwede kong sabihin na malicious allegations, fabricated lies,”
pahayag ni Mariano sa Radyo Veritas.
Bukod dito, inihayag na hindi totoo ang bintang na naging pinuno siya ng Communist Party of the Philippines noong 1977.
“Kitang-kita ko yung red taping kase kung napanood ninyo yung mga pagtatanong ni Cong. Sato, nandun yung alegasyon na ako daw ay na-elect na lider ng Communist Party of the Philippines noong 1977, ako po ay masasabi nating nasa kabataang edad pa noon, hindi po totoo yun,” dagdag pa ni Mariano.
Samantala, sa kabila ng pagkakatanggal bilang kalihim ng DAR, positibo pa rin ang pananaw ni Mariano na matutugunan ng administrasyong Duterte ang pangangailangan ng mahihirap na magsasaka lalo na ang kawalan ng karapatan sa lupang sakahan.
Matatandaang nagpahayag ng mainit na suporta ang Simbahang Katolika kay Mariano dahil sa ipinakita nitong malasakit sa mahihirap na magsasaka at ang pagtupad sa pangakong lupain sa mga magsasakang walang pag-aaring lupa.