448 total views
Ipapatupad sa Diocese ng Tarlac ang 30-percent seating capacity sa pagsasagawa ng mga religious activities matapos i-anunsyo ng pamahalaang panlalawigan ng Tarlac na isasailalim sa General Community Quarantine ang lalawigan.
Ayon kay Tarlac Bishop Enrique Macaraeg, mahigpit na ipatutupad sa buong Diyosesis ang pagsunod sa minimum health protocols batay na rin sa panuntunan ng lokal na pamahalaan para sa kaligtasan ng mga mananampalataya.
“Magre-reduce sa 30 percent capacity ang simbahan pero tuloy pa rin ang mga misa namin… Syempre ‘yung protocols, strictly to be observe pa rin. ‘Yung [physical at social] distancing, handwashing, [face]masks and faceshield ay i-implement ‘yun sa mga simbahan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Macaraeg sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Bishop Macaraeg na kasabay ng pagbabawas sa kapasidad ng mga maaaring dumalo sa mga banal na pagdiriwang ay dadagdagan rin ng Diyosesis ang pagsasagawa ng mga online Masses.
Mula sa Modified GCQ, ipinag-utos ng Provincial Inter-Agency Task Force na isailalim sa GCQ ang buong lalawigan ng Tarlac bilang pag-iingat na maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 maging ang banta ng mapaminsalang Delta variant.
Magsisimula ito mamayang hatinggabi ng Agosto 12 hanggang 31, 2021, mahigpit na ipapatupad ang pagbabantay sa mga Border Control Points ng lalawigan upang masuring mabuti ang mga manlalakbay na papasok sa Tarlac mula sa mga karatig na lalawigang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine at ECQ.
Batay sa huling tala ng Tarlac Province COVID-19 Case Bulletin, umabot na sa 9,591 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa lalawigan, kung saan nasa 651 ang kasalukuyang aktibong kaso.