2,796 total views
Pahihintulutan na ng Basilica Minore Del Santo Nino De Cebu ang mga batang menor de edad na makapasok sa simbahan.
Ito ang anunsyo ng basilica kasabay ng pagluwag ng quarantine restrictions at pagbaba sa low risk status ng COVID-19 sa bansa ayon sa Department of Health.
Sa pahayag ng basilica ng Santo Nino simula October 27 maari nang magsimba ang mga bata kung may kasama itong magulang o guardian na fully vaccinated na laban sa COVID-19.
“Children are now allowed to enter inside the Basilica but should be accompanied by FULLY-VACCINATED parents/guardians; Persons above 65 years old and are FULLY-VACCINATED are also allowed to enter the Basilica,” pahayag ng basilica.
Ang pagbubukas ng basilica ay batay na rin sa alert level 2 status ng quarantine restriction sa Cebu City kung saan pinahihintulutan ng lokal na pamahalaan ang mga batang menor de edad na makalabas sa mga tahanan.
Sa datos ng DOH nasa halos limanlibo na lamang ang average daily cases sa bansa at mababa na rin sa critical level ang kalagayan ng mga ospital na may kaso ng COVID-19.
Sa kabila ng pagbaba sa low risk status mahigpit pa rin ang paalala ng pamahalaan at maging ng simbahan sa mananampalataya na manatiling mag-ingat para sa kalusugan at maiwasan ang muling pagdami ng mahawaan ng coronavirus.
Mahigpit pa ring ipatutupad sa basilica ang safety health protocol kabilang na ang physical distancing ng mga magsisimba sa loob ng simbahan.
“PLEASE BRING YOUR VACCINATION CARDS. Also, please be reminded to follow the safety protocols implemented in the Basilica,” dagdag pa ng pamunuan ng Basilica.