296 total views
April 24, 2020, 2:15PM
Patuloy na nasasaktan ang simbahan sa umiiral na locked down policy dulot ng kinakaharap na suliranin ng buong mundo sanhi ng banta ng coronavirus disease 2019.
Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa, dulot ng nakakahawang sakit ay hindi buong magampanan ng bawat pari ang kanilang tungkulin para sa mananampalataya.
“Pero ang sabi ko I cannot but console the grieving, hindi puwedeng mawala yun. At iyon ang wala ngayon sa lahat ng simbahan sa lahat ng pari,” ayon kay Bishop Gaa.
Ipinaliwanag ng Obispo na bukod sa pagbibigay ng sakramento at eukaristiya hindi rin ganap na maipahayag ng mga pari ang malasakit sa mananampalataya dulot na rin ng mga restrictions lalu na ang mahigpit na pagpapairal ng physical distancing.
“Kasi ang simbahan po ay very tactile , very touchy. Ngayon pagka-tinanggal mo ang lahat ng yun, as a priest parang hindi mo sya maramdaman na simbahan kasi wala kang nakikita na nagsisimba sa iyo. Wala kang nakikitang you’re ministering to,” paliwanag ni Bishop Gaa sa Pastoral Visit on-the-air sa Radyo Veritas.
Sa kabila ng umiiral na physical distancing at stay-at-home policy, nararamdaman naman ng publiko ang simbahan sa pamamagitan ng pamamahagi ng tulong sa mga higit na nangangailangan.
KARAGDAGANG 15-ARAW NG ECQ
Inihayag naman ng Malacañang ang pagpapapalawig ng enhanced community quarantine ng hanggang sa ika-15 ng Mayo sa mga lugar na may mataas ang bilang ng nahahawaan ng Covid-19.
Kabilang na dito sa National Capital Region, Calabarzon, at Central Luzon.
Ayon kay Bishop Gaa, ngayon pa lamang ay tila nauubusan na ng pondo ang mga lokal na pamahalaan para bigyang ayuda ang kanilang mga nasasakupan lalu na ang mga manggagawang patuloy na hindi nakakapagtrabaho para sa kanilang pamilya.
“Add-on doon sa 30-days, talagang it will strain it even more, emotions will be flaring-up talagang magkakaroon na ng mga away kahit yan internally,” ayon sa obispo.
Iginiit ng Obispo na ito ang pagkakataon na kinakailangan ang mas malalim na pang-unawa sa paglilingkod ng bawat pinuno ng pamahalaan at simbahan.
“At ito ang panahon sana parang to look beyond yung mga maliliit na bagay kasi kadalasan maliliit lang na bagay pinag-aawayan, mapalampas yan. Parang mas lumalim ang paglilingkod nila sa taong bayan,” paliwanag ng obispo.
PASTORAL WORK
Habang ang mga misa ay pansamantalang ibinabahagi sa pamamagitan ng radyo, telebisyon at social media nang sa gayun ay maipahatid pa rin sa mananampalataya ang mabuting balita ng Panginoon.
Mungkahi din ng obispo na nawa ay makapasok na rin sa free channel sa telebisyon ang mga misa para naman sa mga mananampalataya na walang access sa internet.
MENTAL AT SPIRITUAL HEALTH AS ESSENTIAL
Umaasa din si Bishop Gaa na maisama bilang essential need ang ilang bagay na dapat na tugunan ng simbahan.
Giit ng obispo, tulad ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot nawa ay makita rin ang higit na pangangailangan ng publiko para sa spiritual at mental health.
Nang sa gayun ay mapapatatag ang kanilang kalooban mula sa pangamba at takot dulot na rin ng napakahabang panahon na pananatili sa kanilang bahay bukod pa sa epekton nito sa kanilang kabuhayan at kaligtasan mula sa sakit.
“Pero hindi nailalagay na essential ang mental ang spiritual health ng tao na ngayon parang lumalabas na parang talagang kailangan tugunan ang pangangailangang yun…parang nabuburyong ang mga tao sa loob ng kanilang tahanan na hindi naman talaga sanay talaga sa ganun,” dagdag pa ng obispo ng Novaliches.
Subalit dahil sa umiiral na locked down policy, hinikayat ng obispo ang mga lingkod ng simbahan na gamitin ang anumang mayroon sa kasalukuyan upang gampanan ang paglilingkod at lumikha ng programang tutugon sa mga pangangailangang ito ng mananampalataya.