153 total views
Mahalaga ang balanseng pagtugon na gagawin ng pamahalaan sa power industry ng bansa at sa magiging kalagayan ng kalikasan.
Ito ang binigyang diin ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo.
Ayon kay Bishop Arigo, nararapat na isa-alang-alang ng gobyerno ang magiging epekto sa kalikasan ng mga coal fired power plants na kasalukuyang ginagamit ng bansa bilang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya.
Dagdag pa ni Bishop Arigo, labis ang duming idinulot ng ganitong klase ng enerhiya at tiyak na makasasama ito sa kalusugan ng mamamayan at makasisira sa kalikasan.
“Kung anuman ang plano ng gobyerno to address the power [industry] na ito, tulad ng panawagan ni Pope Francis kailangan natin ay balance sa protection ng environment, at ang Pilipinas ay napaka laki ng potential sa renewable energy.” Pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Magugunitang bago matapos ang termino ni dating pangulong Benigno Aquino III ay nilagdaan nito ang commission resolution 2016-001 na naglalayong siyasatin ang mga coal power plant sa bansa, at pag-ibayuhin ang paggamit sa renewable energy.
Dahil dito, umaasa at nagdarasal si Bishop Arigo na magkaroon ng Political Will ang bagong administrasyon upang maipagpatuloy at tunay na maipatupad ang naunang pronouncement ni President Rodrigo Duterte na pauunlarin at gagamitin ang potential renewable energy ng Pilipinas.
“Ang problema natin sa gobyerno yung tinatawag na political will, sinasabi pero when it comes to implementation wala, kaya sana nga we hope and we pray na talagang hey will act sa mga sinasabi nilang mga promises.” Dagdag pa ni Bishop Arigo.
Sa ulat, 15 Megawatts Coal Fired Power Plants ang nakatakdang ipatayo ng DMCI Power Corporation sa lalawigan ng Palawan na tinagurian the last frontier.
Kung magpapatuloy ito, ayon sa Department of Energy ay magiging 80% hanggang 90% nakadepende ang Pilipinas sa maruming enerhiya.
Samantala ayon sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, ang aspeto ng pagunlad ng Lipunan, pangangalaga sa kalikasan at pagpapahalaga sa mahihirap ay dapat pantay pantay na nabibigyang tugon ng pamahalaan.(Yana Villajos)