425 total views
Mahalagang suriin ang pangkabuuang katauhan ng mga politiko na nagnanais na maglikod bilang mga opisyal ng bayan.
Ito ang paunang paalala ni Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, National Director ng Caritas Philippines kaugnay sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ayon sa Obispo, mahalaga na mayroong moral ascendancy ang mga kandidato na nagnanais na maihalal bilang mga lingkod bayan.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na bukod sa pagsusuri sa track record ng mga politiko ay mahalaga rin na matiyak ang katapatan, kabutihan at tunay na interes ng mga ito sa pagnanais na maluklok sa anumang posisyon sa pamahalaan.
Pagbabahagi ng Obispo, magkakaroon lamang ng ganap na kaayusan sa lipunan kung ang mga maihahalal ay ang mga taong may tunay na pagnanais na paglingkuran ang taumbayan ng walang halong pansariling interes.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na dapat maipakita at maipamalas ng botante sa pamamagitan ng pagluluklok ng mga karapat-dapat na lider ng bayan.
“Kaya sa mga voters, inuulit po namin ang panawagan. Una piliin ang meron moral ascendancy, [ang] character ng kandidato mahalaga. Pangalawa, track record kung meron kakayanan kapag nahalal. Panawagan sa lahat ng concerned especially new voters, mag parehistro na!” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Partikular na tinukoy ni Bishop Bagaforo ang naging pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan lamang na isa lamang “campaign joke” ang kanyang naging pahayag patungkol sa usapin ng West Philippines Sea noong panahon ng kampanya taong 2016.
Ayon sa Obispo, isang tahasang kalapastanganan at kawalang-galang sa mga Filipino at sa rule of law ng bansa ang naging pag-amin ng Pangulo na karamihan sa kanyang mga “campaign promises” o pangako noong panahon ng kampanya ay puro lamang “campaign joke”.
Dismayado rin si Bishop Bagaforo sa mababang pagtingin ng Pangulo sa mga mahihirap partikular na sa naturang mangingisda na hindi binigyang halaga ng pangulong Duterte.
Dahil dito, isang malaking palaisipan ayon sa Obispo kung ang lahat ba ng mga binitiwang pangako ni Pangulong Duterte noong panahon ng kampanya ay tanging “campaign joke” lamang at walang katotohanan.
“Digong’s [President Rodrigo Duterte’s] confession that many of his campaigns’ promises were all jokes was a total disrespect to our rule of law, a total insult to the dignity of our simple fellow Filipinos, like that fisherman who asked the question on the WPS [West Philippine Sea]. Tinuring niya na bubo si Mr. Fisherman, kaya pinaglaruan nya dahil sinagot ng Joke. Parang ipinakita ni Digong [President Duterte] na mababa ang pagtingin nya sa mahirap na fisherman. Ang tanong, Jokes din ba ang lahat mong [President Duterte] pangako noong kampanya sa election?” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Bukod sa pag-amin na isa lamang “campaign joke” ang kanyang naging tugon sa tanong ng isang mangingisda sa naganap na Presidential Debate noong Abril ng taong 2016 ay tinawag ring “stupid” ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga naniwala sa kanyang pahayag na pagje-jetski patungong Spratlys Island upang itanim ang bandila ng Pilipinas.
Matatandaang isa ang naturang pahayag ni Pangulo Duterte sa mga tumatak noong panahon ng kampanya limang taon na ang nakakalipas.