377 total views
Iminungkahi ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga pari na ipagpatuloy ang paggawad ng sakramento ng pagpapatawad sa mananampalataya.
Sa social media post ni CBCP Vice President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David inirekomenda nito ang ilang paraan upang makapagkumpisal ang mananampalataya na nasusunod ang safety health measures.
Tinukoy ni Bishop David ang paglalagay ng clear glass divider na maghihiwalay sa pari at sa mangungumpisal upang matiyak ang physical distancing na isa sa pangunahing hakbang upang maiwasan ang pagkahawa.
Gumamit ng cellphone na may iisang numero at ibigay sa taong tatanggap ng sakramento ng kumpisal upang matawagan at masisimulan ang pagkumpisal.
Mahigpit na paalala ni Bishop David na sa ganitong paraan tiyakin na hindi malalabag ang ‘seal of confession’ kaya’t iwasan ang loudspeaker habang isinasagawa ang pangungumpisal.
Sinabi ng opisyal na bagamat sa pamamagitan ng tawag sa telepono ang pangungumpisal kinakailangang physically present pa rin ang mangungumpisal sa mga simbahan.
Matatandaang simula ng ipatupad ang panuntunan ng community quarantine sa buong bansa dahil sa coronavirus pandemic, limitado na rin ang mga gawain sa simbahan kasunod ng pagpatupad ng safety measures.
Sa Metro Manila at karatig lalawigan nanatiling umiiral ang general community quarantine kung saan nasa 30 hanggang 50 porsyento lamang ang pinapayagang makadalo sa mga gawaing simbahan.
https://www.facebook.com/pablovirgilio.david/posts/10219362915480675