1,940 total views
Isasailalim muna sa ‘status quo’ ang operasyon ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa Sibuyan Island.
Ito ang napagkasunduan sa ginanap na diyalogo hinggil sa pagmimina sa isla sa pagitan ng mga apektadong mamamayan, pamahalaan, at mining company.
Napag-alaman sa pagpupulong na nilabag ng Altai Mining ang iba’t ibang batas tulad ng Water Code of the Philippines, at ilegal na pagtatayo ng mga imprastraktura, at pagpuputol ng mga puno.
“The company is directed to stop further developing the area and avoid unnecessary activities that would worsen the situation in the area,” bahagi ng facebook post na ibinahagi ni Bayay Sibuyanon president Rodne Galicha.
Ipapaskil naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Notice of Violation (NOV) sa gate ng APMC at iba pang lugar na sakop ng ilegal na operasyon.
Ngunit, nilinaw dito na hindi pa ito pagbawi sa exploration permit o mineral production agreement ng mining company.
Dagdag pa ng pahayag na pinagtuunan din sa diyalogo ang kawalan ng transparency, ugnayan, at paggalang ng mga ahensya ng pamahalaan sa lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Romblon lalo na sa Sibuyan Island.
Kabilang na rito ang presensya ng ilang kawani ng Philippine National Police sa lugar na nagdulot ng pangamba at gulo sa mga apektadong residente nang sapilitang dumaan sa barikada ang ilang truck ng APMC.
“PNP will act on the behaviour of the deployed team involved in the series of incidents upon filing of complaints,” ayon sa pahayag.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa ring nakabantay sa barikada ang ilang residente ng Sibuyan upang patuloy na bantayan ang pagkilos at gawain ng Altai Mining hanggang sa tuluyang umalis ang mga barko ng mining company.
Kabilang sa nakibahagi sa diyalogo sina PNP Southern Luzon Police Commander PLtGen Rhoderick Armamento; mga opisyal ng Barangay Espana, San Fernando Mayor Nanette Tansingco; at Romblon Governor Jose Riano.
Dumalo rin sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government; DENR-Mines and Geosciences Bureau; DENR Regional Office; Altai Mining; Integrated Bar of the Philippines Romblon; Cajidiocan Mayor Greggy Ramos, Romblon Diocesan Social Acton Director Fr. Ric Magro; at Rodne Galicha.