428 total views
Kinilala at pinarangalan ng Archdiocese of Manila ang namayapang si Fr. James Jay Timothy Thomas Patrick Paul Ferry, M.M sa masigasig na paglilingkod sa simbahang katolika.
Sa requiem mass na pinangunahan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sinabi nitong buong pusong naisabuhay ni Fr. Ferry ang pagiging misyonerong katuwang ni Kristo sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa sanlibutan.
“Fr. Ferry is always going out on his way in order to serve the Lord; he is a dedicated servant of God,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Pinasalamatan ni Bishop Pabillo ang Maryknoll Congregation sa pagkakataong naibahagi si Fr. Ferry sa pagmimisyon dito sa Pilipinas kung saan napalago ang pananampalataya ng mamamayan at nakahikayat ng maraming bokasyon.
Hinangaan din ng obispo ang aktibong pakikilahok ng namayapang pari sa mga gawain ng Archdiocese of Manila kung saan nagsilbi itong Vicar for Religious sa loob ng 25 taon mula nang italaga ito ni dating Manila Archbishop Cardinal Jaime Sin noong 1996.
“We are fortunate in the Archdiocese of Manila that Fr. Ferry has been active up to the last moment of his life,” ani ng obispo.
Si Fr. Ferry ay ipinangak noong Hunyo 7, 1925 sa New York Estados Unidos.
Bago pumasok sa Maryknoll Missionaries noong 1946 nagsilbi si Fr. Ferry sa US Navy bilang surgical nurse noong World War II.
Sa kasaysayan kasama ni Fr. Ferry si Gen. Douglas MacArthur noong nagpunta ito ng Pilipinas kasama ang iba pang opisyal ng US Navy.
Taong 1956 nang muling dumating sa bansa si Fr. Ferry matapos maordinahang misyonero ng Maryknoll Missionaries sa Amerika.
Unang misyon ng pari sa bansa ang maging kura paroko sa isang parokya sa Paete Laguna habang inilipat ito sa Mindanao kung saan nanilbihan ng 30 taon sa Tagum, Lupon, Baganga, Bato-Bato at Davao City.
Nagturo rin si Fr. Ferry sa Regional Major Seminary (REMASE) sa Davao at hinubog ang ilang kabataan na maging pastol ng simbahan kabilang na si CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles.
Hinangaan din ng maraming pastol ng simbahan ang kababaang loob ng namayapang pari makaraang tanggihan nito ang nominasyon na maging obispo sa panahon ni Jaime Cardinal Sin.
Pebrero 2002 ginawaran ang pari ng Medal Pro Ecclesia et Pontifice mula kay St. John Paul II na kasalukuyang Santo Papa noon.
Bilang Vicar for Religious ng RCAM nagturo rin si Fr. Ferry ng Sacraments, Liturgy at Homiletics sa San Carlos Theologate, Holy Apostles Senior Seminary at Maryhill School of Theology.
Namatay si Fr. Ferry (Fr. JJTTPPF) noong Mayo 28, 2021 dahil sa pneumonia sa edad na 95 taong gulang.
Pinasalamatan ng Maryknoll Missionaries ang RVM Sisters na nangasiwa sa burol at libing ng pari batay na rin sa kahilingan nitong maihimlay sa libingan ng RVM sisters sa Loyola Memorial Chapel sa Marikina City.