232 total views
Ikinadismaya ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the laity ang tila, pagkalimot ng pamahalaan sa mga naaapektuhan ng El Nino lalo na sa Mindanao.
Ayon kay Bishop Pabillo, ngayong tapos na ang pinakaaabangan at pinagkaabalahan ng marami na local and national elections, sana’y muling bigyang pansin ni President Benigno Aquino III ang mga nagugutom na mamamayan sa Mindanao.
Dagdag pa ng Obispo, bagamat patapos na ang panahon ng tagtuyot, marapat na susunod na paghandaan ng pamahalaan ang parating na tag-ulan.
“Sana po ay pansinin lalong lalo na ngayon, El Niño pa tayo at kulang nga yung pagkain doon sa Mindanao dahil sa El Niño at sa lugar na iyon, sana iyan ay matugunan na kaagad, at ang inaasahan natin nadadatin na tagulan na may mga baha nanaman, sana yan ay mapaghandaan.” Pahayag ni Bp. Pabillo.
Samantala, puno naman ng pagasa ang obispo na paninindigan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang mga inihayag nitong plataporma na poprotekta sa kalikasan.
Dagdag pa ni Bisho Pabillo, bukod sa pagpapatupad nito ng mga inihayag na programa, nawa’y pagbutihin pa ng susunod na pangulo ang pananaw nito ukol sa ibang salik na magpapaunlad sa pangangalaga sa kalikasan.
“Sana yung mga sinabi nya sa debate ay panindigan, at hindi lang panindigan, i-improve sana ang kanyang pananaw tungkol sa environment lalong lalo na sa pagmimina, sa coal at sa GMO at iba pang mga issue natin sa environment” Pahayag ng Obispo.
Magugunitang noong nakaraang taon, nagpatupad ng Mining Ban Ordinance ang Davao City na ikinalugod ng mga residente at mga environmentalist.
Naunang tiniyak ni Duterte na mananatili ang mining ban ordinance sa Davao at pinag-aaralan palawigin ito sa iba pang lalawigan.