337 total views
Kinuwestiyon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang inaasahang pagtataas ng singil sa kuryente sa susunod na buwan ng Manila Electric Company o MERALCO.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, sa kabila ng pagbaba ng presyo ng langis sa merkado ay nagpapatuloy naman ang pagtaas sa singil sa kuryente at bigo pa ring maipatupad ang naisabatas na Electric Power Industry Reform (EPIRA) Act of 2001 o mas kilala bilang Republic Act number 9136 sa naglalayong pababain ang presyo ng kuryente sa bansa.
“Yan ang isang problema natin ano ang pagtugon natin diyan? Sa ang Pilipinas pinababa na nga yung presyo ng langis habang yung halaga naman ng kuryente ay patuloy na tumataas. Tayo na yung may pinakamataas na price ng kuryente sa part of Asia ngayon,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nagtaas ng singil ng kuryente ang MERALCO matapos aprubahan ang mas mataas na feed-in tariff o FIT charges mula sa dating P0.04 noong 2015 ay ginawa na itong mahigit P0.12.
Dahil sa mataas na FIT allowance, posibleng madagdagan ng P16.80 ang mga kumukunsumo ng 200 kilowatt hour.
Nananatili pa rin ang ang Pilipinas na ika–tatlo sa mga bansang may pinakamataas ang singil sa kuryente sa Asya at ika – lima naman sa buong mundo.
Sa social teaching ng Simbahang Katolika mainam na laging isaalang –alang ang mga mahihirap sa anumang paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.