9,806 total views
Ikinababahala ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang epekto ng patuloy na tumataas na inflation rate sa naghihikahos na mga Pilipino.
Dahilan ng mataas na inflation rate ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, pagkain, transport fare, housing bills, electricity at water gayundin ang mga produktong petrolyo na lalong nagpapabigat sa pasanin ng mga ordinaryong mamamayan at manggagawa.
Nabatid sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa 3.3-porsiyento ang inflation rate sa first quarter at pumalo ito sa 3.8-percent sa second quarter ng taong 2024.
Kaugnay nito, hinikayat ni Bishop Mallari sa mga apektadong mamamayan na kasama nila ang panginoon sa paglalakbay.
Hinimok ng Obispo ang mamamayan na lumapit sa panginoon at lalong pag-alabin ang pananampalataya sa panahon ng mga pagsubok at kahirapan sa buhay. Ipinagdarasal din ng Obispo sa panginoon na bigyan ng lakas ng loob at katatagan ang mga dumaranas ng kahirapan at pagsubok.
“Mga minamahal kong mga kapatid kay Kristo, lalo pang papag-alabin ang inyong pananampalataya sa Diyos sa panahon ng mga pagsubok at kahirapan ng buhay. Pagpalain po kayo palagi ng Diyos, bigyan Niya kayo palagi ng lakas ng loob at katatagan na upang maharap ang lahat ng hirap ng buhay,” bahagi ng mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Pinaalalahanan ng Obispo ang mga mananampalataya na ilagay sa mapagpalang kamay ng Diyos ang hirap na pinagdadaanan.
“Ilagay sa mapagpalang kamay ng Diyos ang inyong pinagdadaanan, sa Kanyang mga kamay maraming milagro ang maaaring mangyari basta palagi nakahawak ang kamay natin sa Kanya,” bahagi pa mensahe ni Bishop Mallari.