7,297 total views
Nagpahayag ng paghanga si Malaybalay Bishop Noel Pedregosa sa lahat ng mga nakibahagi sa naganap na Walk for Life 2025.
Ayon kay Bishop Pedregosa na kasaping Obispo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Family and Life (ECFL), kahanga-hangang makita ang aktibong paninindigan ng bawat isa para sa kasagraduhan ng buhay na ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat nilalang.
Tema ng Walk for Life 2025 ngayong taon ang “Walk for Hope” na naglalayong patuloy na panindigan, isulong at ipagtanggol ang buhay ng bawat nilalang na alinsunod na rin sa paggunita ng Simbahan ng Jubilee Year of Hope ngayong taon.
“Very moving, very touching and marami pala tayong lover of life and lover of family.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Pedregosa sa Radyo Veritas.
Personal na nakibahagi si Bishop Pedrego sa pagdiriwang ng banal na misa na pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral.
Personal ding nakibahagi sa Walk for Life 2025 sina CBCP-Episcopal Commission on the Laity Chairman, Dipolog Bishop Severo Caermare; at CBCP Episcopal Commission on Family and Life Chairman, Parañaque Bishop Jesse Mercado; gayundin sina San Jose de Antique Bishop Marvyn Maceda, at San Fernando La Union Bishop Daniel Presto.
Sa tala mahigit sa 3,500 mananampalataya mula sa iba’t ibang pro-life groups at institusyon ng Simbahan ang lumahok sa prusisyon mula Luneta patungong Manila Cathedral.
Pinangunahan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na implementing arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity ang pagsasakatuparan ng Walk for Life 2025 ngayong taon katuwang ang CBCP Episcopal Commissions on Family and Life, Office for the Promotion of the New Evangelization (OPNE) ng Archdiocese of Manila, Manila Cathedral at Radio Veritas.
Ang taunang Walk for Life ay unang isinagawa noong taong 2017 na dinadaluhan ng mga laiko mula sa iba’t ibang diyosesis at lay organization na isinasagawa din sa iba pang diyosesis sa buong bansa.