7,632 total views
Tiniyak ng Archdiocese of Palo sa Leyte ang patuloy na pananalangin para sa pagbuti ng kalagayan at kagalingan ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Palo Archbishop John Du, kabilang ang paggaling at kalusugan ng Santo Papa sa intensyon ng pananalangin at mga banal na misa na isinasagawa sa buong arkidiyosesis bilang pagpapamalas na rin ng pagmamahal kay Pope Francis.
Pagbabahagi ng Arsobispo, hindi malilimutan ng mga mamamayan at mananampalataya ng Leyte ang naging pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa lalawigan noong Enero ng taong 2015 upang personal na maipamalas ang pakikiisa sa mga nasalanta ng Super Typhoon Haiyan (Yolanda) noong 2013.
Paliwanag ni Archbishop Du, sa pamamagitan ng pagbisita ni Pope Francis sa lalawigan ay kanyang naipadama sa mga biktima ng kalamidad ang presensya ng habag at awa ng Panginoon na nakapagdulot ng pambihirang pag-asa para sa muling pagbangon ng mga biktima ng Yolanda.
“In the Archdiocese of Palo, we remember how Pope Francis brought a profound sense of hope and solidarity to our communities affected by Supertyphoon Haiyan (Yolanda). His presence as the vicar of Christ served as a powerful symbol of God’s mercy and compassion, reminding us that we are not alone in our collective efforts of healing and rebuilding. Our continued Prayers and Masses offered for his health and well-being are our powerful way of showing our love to the Holy Father.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Du.
Matatandaang tema ng naging pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong January 15 to 19, 2015 ang “Mercy and Compassion” na layuning personal na makita, makasalamuha, madamayan at mabigyan ng inspirasyon upang muling bumangon at umahon ang mga nasalanta ng Super Typhoon Yolanda na tumama sa Eastern Visayas noong Nobyembre ng taong 2013.
Samantala batay sa pinakahuling medical bulletin ng Vatican noong Linggo, nanatiling nasa kritikal na kondisyon ang 88-taong gulang na Santo Papa matapos na maospital sa Agostino Gemelli University Polyclinic sa Roma noong February 14, 2025 dahil sa respiratory infection.