6,387 total views
Hinimok ni Caritas Philippines Vice Chairperson, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang mga Pilipino na maging mapagmatyag sa mga inidbidwal na maghahain ng kandidatura para sa 2025 Midterm National and Local Elections.
Ayon sa obispo mahalagang bantayan ang mga kandidato sa eleksyon upang maiwasan ang political dynasties na dapat nang buwagin sa bansa.
“Bantayan natin ang filing of candidacy, tingnan natin kapag meron doon political dynasty sama-sama tayong mag-file ng disqualification case,” pahayag ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Ito ang mensahe ng obispo bago ang nakatakdang paghahain ng kandidatura sa October 1 hanggang 8 sa mga kakandidatong senador hanggang sa konsehal ng mga bayan.
Binigyang diin ni Bishop Alminaza na dapat igiit ng mga Pilipino ang mga karapatan sa pagpili ng mga mahuhusay na lider ng bayan na tunay ang hangaring maglingkod at magsusulong sa interes ng bawat Pilipino.
DZRV846 SOCMED PACKAGE 2024_6Hinikayat ng obispo ang mga Pilipinong may kakayahang mamuno at mabuting hangarin sa bayan na lumahok sa halalan.
“Ini-encourage ko ang mga Pilipinong may kakayahan na lumabas para sa ikabubuti ng ating bayan at sa mga botante naman suportahan natin yung kilala nating talagang karapat-dapat na maglingkod sa bayan, tulungan natin sila,” ani Bishop Alminaza.
Batay sa mga pag-aaral humigit kumulang 200 government positions ang pinamamahalaan ng political dynasty sa loob ng dalawang dekada kung saan ayon sa Ateneo School Government 80 porsyento sa mga halal na gobernador noong 2019 ay mula sa fat dynasties, 68% sa mga Vice Governors; 67% na mga Congressman; 53% ang mga alkalde; habang 39% naman sa mga bise alkalde.
Noong August 23 inilunsad ang non-partisan multisectoral movement na ‘ANIM: Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan’ na layong labanan ang mga katawalian ng pamahalaan na nagdudulot ng labis na kahirapan sa mamamayan.
Bukod pa rito ang pagsusulong sa adbokasiyang paglaban sa korapsyon, political dynasty, reforms, good governance, social justice, economic development, at national security.
Kasalukuyang nakabinbin sa senado ang Senate Bill No. 2730 na isinusulong ni Senator Robinhood Padilla na layong maipatupad ang anti-dynasty provision ng 1987 Constitution.