242 total views
Umaapela si Marawi Bishop Edwin Dela Peña na tulungan ang mga nagsisilikas na residente mula sa Marawi City dahil sa patuloy na kaguluhan sa lugar.
Sa kabila ito ng pag-aalala ni Bishop dela Pena kay Father Chito Suganob at iba pang parishioners na kasalukuyan pa ring bihag ng bandidong Maute Group.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Dela Peña, sinabi nito na mahalaga na matugunan ang pangangailangan ng mga lumilikas na residente lalo na sa kanilang pangangailangan sa pagkain at inumin.
“Sa kasalukuyan nangyayari sa Marawi nais ko po iparating sa inyo na karamihan, marami sa ating mga kapatid sa Marawi ay lumilikas na at ang kanilang direksyon ay towards Iligan malaking problema ang pagtugon ng kanilang mga pangunahing pangangailangan, kailangan nila ng pagkain, tubig at iba pa kaya itong pagkakataon na ito ako ay nananawagan sa lahat na tulungan natin, first na tulong natin yung pagdarasal para sa ikabubuti ng ating mga kapatid, mga nagsilikas at mga nasa Marawi pa sa ngayon, ikalawa, yung ating pagtulong sa kanilang mga pangangailangan pangunahing pangangailangan at pangatlo tayo ay magsusubaybay at maki-alam tayo sa mga pangyayari sa Mindanao” pahayag ng Obispo ng Marawi.
Sinabi din ng Obispo na plano nitong magtungo at makipag-ugnayan sa Diocese ng Iligan upang makapagsagawa ng relief operation katuwang ang iba’t-ibang institusyon ng Simbahang Katolika.
“Kailangan ma-organize natin ang ating mga partners para tugunan ang pangangailangan ng mga evacuees balak ko nga pumunta din, i’ll find my way to go to Iligan para doon natin ma-organize ang relief efforts para sa mga evacuees.”
Sinabi ng Obispo na bahagi ng ating misyon hindi lamang ang kaluluwa ang ating sinasagip kundi maging ang buong pagkatao.
Kaugnay nito, Tiniyak ni Rev. Fr. Albert Mendez, Social Action Director ng Diocese of Iligan na kumikilos na rin sila para magsagawa ng assessment sa mga dumadarating at lumilikas na pamilya.
Kumikilos na rin para tumulong sa mga apektadong residente ng Marawi ang Social Action Center ng Diocese of Marbel, Prelatura ng Isabela de Basilan at Diocese of Tagum.
Inihayag ni Diocese of Marbel Social Action Director Rev. Father Ariel Destora, Father Franklyn Costan, Social Action Director ng Prealtura ng Isabela de Basilan at Rev. Father Emerson Luego, Social Action Director ng Diocese of Tagum na nakahanda at nakaantabay sila para tugunan ang pangangailangan ng mga nagsilikas at naiipit na residente ng Marawi dahil sa kaguluhan.
Nanawagan ang mga pari sa mga residente ng Marawi maging sa mamamayan ng Mindanao na magdasal, maging mapagmatyag, makialam at makipagtulungan sa mga otoridad para manumbalik ang kapayapaan.
Samantala, ipinagdarasal ni CBCP-Episcopal Commission on Catholic Education and Catechesis at San Jose Bishop Roberto Mallari ang kaligtasan ng mga residente lalu na ang mga bihag ng Maute.
Ayon sa Obispo, isang magandang pagkakataon upang ipagdasal ang mga apektado sa nangyayaring gulo sa Mindanao gayundin ang kapayapaan ng buong bansa bilang pag-alala sa kapistahan ng pagbaba ng Banal na Espirito upang manahan sa mga alagad ng Diyos.
“Ang Pentecost Sunday ay isang magandang pagkakataon upang sama-sama nating hingin ang katatagan na nanggagaling sa Espiritu sa mga sandali ng pagsubok lalo na sa ating mga kapatid na nasa Marawi. Nawa ang pagdiriwang na ito ay maging daan upang lubos nating madama ang napaka-alab na pagmamahal ng Diyos sa bawat isa atin,” pahayag ni Bishop Mallari.