294 total views
Hinihikayat ng Simbahan ang bawat mananampalataya na maging mapanuri at maging bahagi ng tamang pagpapahayag kaugnay nang pagdiriwang ng World Communication Sunday.
Nagbabala si Bishop Broderick Pabillo, member ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Communication at chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, na maaring ang pagbabahagi ng maling impormasyon ay magdala sa atin sa kasalanan.
Ayon sa Obispo, kailangang maipahayag ang mabuting balita lalo na sa ‘digital world’ kung saan marami at mabilis na kumakalat ang balita maging tama man ito o hindi.
“Kasi kung hindi maging mapili, at kung ano-ano lang ang pinapakinggan, lalo na sa panahon ngayon ay madadala tayo sa kasamaan. Ikalawa, gamitin din natin ang komunikasyon sa maayos na paraan hindi lamang sa entertainment, ngunit gamitin din natin to get good information especially about the faith”,pahayag ni Bishop Pabillo.
Ipagdiriwang ang World Communication Sunday na may temang ‘Fear not, for I am with you: Communicating trust you” sa ika-28 ng Mayo kasabay na rin ng Solemnity of the Ascension of the Lord.
Ngayong araw ika-27 ng Mayo 2017, pangungunahan ng Archdiocese of Manila Social Communications Ministry ang ika-51 World Communication Sunday and the Philippine Media seminar sa San Carlos Seminary, Guadalupe, Makati city.
Magiging guest speakers sa seminar si Father Nicanor Lalog II, Social Communications Director ng Diocese of Malolos at Rappler Corresspondent Paterno Esmaguel II.
Inihayag naman ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) na upang hindi mabiktima ng maling impormasyon ay kailangang suriin ang pinagmulan ng ulat.
Sa pag-aaral naman ng Asia Digital Marketing Association (ADMA) noong 2015, ang Pilipinas ay ikalawa sa pinakamaraming gumagamit ng internet sa buong South East Asia na may 44.2 million, at 94 percent sa mga ito ay may social media account na ginagamit para magpost at magshare ng mga impormasyon.
Sa isang dokumento ng Vatican na may titulong Church and the Internet, sinasabing mahalagang magamit din ng Simbahan ang makabagong teknolohiya tulad ng internet para ipahayag ang misyon ni Kristo.