347 total views
Kinakailangang maging matapang ang bawat isa sa pagpapahayag ng katotohanan.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano-executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs, ito ang hamon ng World Communication Sunday na may temang ‘Fear not, for I am with: Communicating Hope and Trust in Our Time’ na ipagdiriwang sa ika-28 ng Mayo.
Ipinaliwanag ng pari na sa kasalukuyan ay may pag-uusig sa mga Kristiyano, kaya’t marapat na palagiang ipaalala ang taglay na mensahe ng Panginoon ang pag-ibig, pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa.
“Tayo sana ay maging matatag pa at mas maging matapang sa pagpapalagananap ng Diyos, dahil ang taglay na mensahe ng salita ng Diyos ay pag-ibig, kapayapaan, pagkakaisa, pagpapatawad, pagmamalasakit sa kapwa. Ito ang dapat na mapakinggan at maisabuhay ng lahat ng tao sa buong mundo. At ang mensaheng ito unang una ay nag-uugat sa salita ng Diyos“, pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ni Father Secillano na bukod sa pagpapahayag ng katotohanan ay higit na mahalaga ang pagsasabuhay ng mabuting balita at maipakita ang pagmamalasakit sa kapwa.
“Dapat ay hindi lamang maging instrumento nang pagbabahagi ng salita, lalong lalo na ay ipakita ang mensahe ng Panginoon sa pamamagitan ng ating mga gawa. Ang paggawa ng mabuti, ang pagsasabuhay ng kapayapaan, pag-ibig, pagkakaisa, pagpapatawad ay maspinakamabisang pamamaraan na maihatid natin sa ating kapwa ang mga mensaheng ito ng Panginoon,” paliwanag pa ni Fr. Secillano.
Ayon sa ulat ng Open Doors USA noong 2015, may higit sa pitong libo ang napaslang na may kaugnayan sa pananampalataya mula sa dating kaso na umabot lamang sa tatlong libo noong 2014.
Sa nagaganap na Marawi siege, bukod sa siyam na kristiyanong pinaslang ng Maute group, tinangay din ng mga bandido si Fr. Chito Suganob at ilang parishioner ng St. Mary’s Cathedral habang nagsisilikas naman ang ilang mamamayan sa nasabing lungsod dahil sa pangamba sa kanilang kalagayan.
Ang Marawi City ay binubuo ng may 200 libong residente, kung saan ilang sa mga ito ang lumilikas na at kasalukuyang nasa pangangalaga ng kalapit na siyudad ng Iligan.
Nakapagpadala na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P3.6 M halaga ng food packs para sa 6,600 na pamilya.