247 total views
Matagal ng ginagawa ng Ipilan Nickel Corporation ang pamumutol ng centuries old trees sa Brooke’s Point, Palawan.
Inihayag ni Father Jasper Lahan – Social Action Director ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan na imposibleng sa loob lamang ng ilang araw ay umabot na sa 20 hektarya ng kagubatan ang nakalbo ng kumpanya.
“Napakaimposible na yung ganong kalaking hektarya sa loob lamang ng ilang araw. Therefore, matagal na nilang ginagawa yon paunti-unti lang, at nagkaroon lang sila ng lakas ng loob na i-publicize nung wala na si Secretary Gina Lopez,”pahayag ng Pari sa programang Barangay Simbayanan.
Dagdag pa ni Father Lahan, nakababahala ang magiging epekto ng pagkakalbo ng kabundukan sa mga taniman sa paanan ng bundok at wala na ring proteksyon at magpepreserba ng kanilang watershed na pinagkukunan ng tubig ng mga lokal na residente ng Brooke’s Point.
Iginiit pa ng Pari na masidhi ang pagnanais ng mamamayan na maitaas ang kamalayan ng publiko kaugnay sa idudulot na panganib ng tuluyang pagpuputol ng mga puno at mariin tinututulan ng mga residente ang pagmimina.
Pinuri din ng pari ang pagiging aktibo ng mga residente laban sa pagsira ng kalikasan sa Palawan.
Kinumpirma ni Brooke’s Point Mayor Jean Feliciano, nasa 15,000 puno kabilang na ang mga century-old-trees na umaabot sa 30 hanggang 70 taong gulang ang pinutol ng Ipilan Nickel Corporation sa kabila ng kanselado nitong Environmental Compliance Certificate.
Noong December 14, 2016, kabilang ang INC sa mga minahang tinanggalan ni Former DENR Secretary Gina Lopez ng MPSA.
Bukod dito, kabilang din ang naturang mining company sa 23 minahan na inirekomendang ipasara ni Lopez, matapos bumagsak sa industry wide mining audit.