458 total views
Inaanyayahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang mananampalataya na tularan ang Mahal na Birheng Maria na buong pusong sumunod sa kalooban ng Panginoon.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng obispo sa isinagawang pagpuputong ng korona sa Nuestra Señora Delas Flores de Bocaue na ginanap sa St. Martin of Tours Parish Bocaue Bulacan nitong ika – 21 ng Nobyembre.
Ayon kay Bishop Villarojo, ang Mahal na Ina ang maituturing na unang disipulo ng Panginoon sapagkat ito ang kauna-unahang tumugon sa paanyayang magdalangtao sa Tagapagligtas ng sangkatauhan.
“Ating kinikilala si Maria bilang unang disipulo, ang unang alagad sapagkat siya ay bukas-puso, bukas-isip at bukas-palad; nawa,y tayo rin ay maging alagad ng ating Panginoon tulad ng Mahal na Ina,” pagninilay ni Bishop Villarojo.
Nagagalak ang obispo sapagkat ipinapamalas pa rin ng mga Filipino ang tunay na debosyon sa Mahal na Ina.
Sinabi pa ni Bishop Villarojo na bukod sa pagiging bukas ang isipan, bukas ang puso sa paghuhubog ng mga Salita ng Diyos ay higit na mahalaga ang pagiging bukas palad sa paglingap sa kapwa.
Pinaalalahanan ng obispo ng Malolos ang mamamayan na magtulungan at magkaisa sa paglingap lalo na sa mga nabiktima ng kalamidad kamakailan.
Matatandaang 1984 nang italaga ni Rev. Fr. Miguel Paez ang imahe ng Nuestra Señora de las FLores of Bocaue na kalaunan ay lumawak ang debosyon.
Bahagyang nahinto ang debosyon sa Mahal na Ina ng Bocaue ng mahigit isang dekada sa ilang kadahilanan subalit muli itong inilunsad noong Mayo 1, 2014 sa pagsisimula ng Flores de Mayo kasabay ng pagbuhay sa tradisyon tulad ng kilalang fluvial procession ng “Mahal na Krus ng Wawa”.