420 total views
Hinimok ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mananampalataya na gawing makabuluhan ang paghahanda sa kapanganakan ng Panginoong Hesukristo.
Ito ang nilalaman ng inilabas na pastoral instruction ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo para sa nasasakupan.
Ayon kay Bishop Pabillo, bagamat maraming pagbabago sa mga nakasanayang paghahada ng pasko bunsod ng pandemya ay mahalagang ituon ito sa pagpapalalim ng pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.
Hinimok ng tagapangasiwa ng arkidiyosesis ang bawat tahanan na magkaroon ng “advent wreath” na tanda ng apat na linggong paghahanda sa kapanganakan ni Hesus.
Maaring magtipon ang mag-anak tuwing Linggo ng adbiyento upang sama-samang manalangin,magpahayag ng Salita ng Diyos habang iniilawan ang mga kandila sa advent wreath.
Bukod dito, hinikayat din ang mananampalataya na mangumpisal, dumalo sa simbang gabi at misa de gallo, at tumanggap ng komunyon sa mga parokya.
Sa mga hindi pa maaring lumabas sa mga tahanan inaanyayahan itong makilahok sa mga online masses, online recollections at iba pang gawain.
Tiniyak din ni Bishop Pabillo sa mananampalataya na may inihandang panalangin ang Liturgical Commission ng arkidiyosesis na magamit ng bawat pamilya bilang gabay sa mga gawain ngayong adbiyento at sa araw ng Pasko ng Pagsilang.
Inaanyayahan din ng obispo ang bawat pamilya na sama-samang ipagdiwang ang Pasko sa bawat tahanan upang higit na mapalalim ang ugnayan ng bawat miyembro ng pamilya.