1,810 total views
Mariing kinokondena ng Protect Verde Island Passage (VIP) ang nangyaring oil spill sa baybayin ng Oriental Mindoro na patuloy na pumipinsala sa mga likas na yaman ng karagatan at hanapbuhay ng mga residente.
Ayon kay Protect VIP lead convenor Fr. Edwin Gariguez, lubha nang nakababahala ang pagtagas ng langis mula sa MT Princess Empress dahil nakakaapekto na ito sa kabuhayan ng mga mangingisda, kalusugan ng mga apektadong komunidad, at maging sa turismo.
“We thus join local residents in lamenting what would be a prolonged suffering of the local fishing industry… as impacts of the oil spill are expected to be felt for years to come. The tourism sector is also faced with severe disruption. The injustice suffered by communities from this terrible incident is further amplified by health impacts they are likely to experience,” pahayag ni Fr. Gariguez.
Batay sa huling ulat, 18,000 mangingisda ng Oriental Mindoro ang lubhang apektado ng oil spill, gayundin ang 50 porsyento ng mga residente na dumaranas na ng kagutuman at kakulangan sa pagkain.
Kasalukuyang nasa state of calamity ang siyam na bayan at isang lungsod ng Oriental Mindoro, gayundin ang isang bayan sa Antique dahil sa epekto ng sakuna.
Nananawagan naman si Fr. Gariguez, na siya ring Social Action Director ng Apostolic Vicariate ng Calapan, sa pamahalaan na kumilos upang agarang matugunan ang pagtagas ng langis, at isaalang-alang ang kalagayan ng mga apektadong pamayanan.
“We call on the Philippine government for most urgent action to contain the spill, assess the severity of damage, and prioritize the welfare of impacted communities who must receive livelihood support and protection from health impacts,” ayon kay Fr. Gariguez.
Hinamon din ng pari ang RDC Reield Marines Services na nagmamay-ari ng tumaob na motor tanker na panagutan ang nangyaring sakuna.
Matagal nang isinusulong ng simbahan ang Protect VIP campaign upang mapangalagaan ang Verde Island Passage mula sa mga proyekto tulad ng planong pagtatayo ng fossil fuel powerplants at liquified natural gas terminal.
Ang VIP ang tinaguriang “Center of the Center of Marine Shorefish Biodiversity” dahil dito matatagpuan ang nasa halos 60-porsyento ng iba’t ibang marine species sa buong mundo.