1,790 total views
Patuloy na nananawagan sa pamahalaan ang grupo ng kababaihan para sa pagsusulong ng pantay na karapatan at pangangalaga sa kalikasan.
Ito ang hiling ni Bileg Dagiti Babbae chairperson Myrna Duyan, kaugnay sa paggunita sa buwan ng kababaihan ngayong Marso at panawagan upang ihinto ang operasyon ng OceanaGold Philippines, Inc. (OGPI) sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Duyan, matagal nang naghihirap ang pamayanan dahil sa epekto ng pagmimina tulad ng kakulangan at polusyon sa tubig na pangunahing pangangailangan sa agrikultura at pang-araw-araw na pamumuhay.
“Sana may pag-aaral o mabalikan ‘yung mga batas at policies ng mga mining company lalo na po dito sa lokal. Kasi hindi lang mga tao ang naaapektuhan kun’di pati kalikasan at natural resources na may mabuting benepisyo sa mamamayan,” pahayag ni Duyan sa panayam ng Radio Veritas.
Ang Bileg Dagiti Babbae o Power of Women ay samahan ng mga katutubong babaeng Tuwali na matagal nang naninindigan laban sa mapaminsalang Didipio copper-gold mining.
Iginiit ng pinuno ng katutubong kababaihan na hindi binibigyang pansin ng pamahalaan partikular na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bawat hinaing ng lokal na pamahalaan ng Kasibu, maging ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya laban sa pagmimina.
Hinimok ni Duyan na pakinggan nawa ng mga kinauukulan ang boses ng taumbayan laban sa mapaminsalang pag-unlad dahil ang mga apektadong residente ang higit na nakakaranas ng pangamba mula sa proyekto.
“Sana ‘yung unang-unang tutulong at magbibigay ng malasakit sa atin ay ‘yung gobyerno. Ang nangyayari kasi, wala nang nagiging desisyon at hindi pinapakinggan ang lokal na pamahalaan. Ang gobyerno na mismo ang nagdedesisyon at hindi na kami nakokonsulta para masabi ang saloobin namin tungkol sa pagmimina,” ayon kay Duyan.
Taong 2021 nang muling gawaran ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng panibagong Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ang OceanaGold at pinahintulutang ipagpatuloy ang operasyon sa loob ng 25 taon.
Nauna nang nagpahayag ng suporta si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao laban sa pagmimina sa Nueva Vizcaya at nanawagang pakinggan ang isinusulong ng simbahan, lokal na pamahalaan, at mamamayan hinggil sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at sambayanan.