177 total views
Nagpapasalamat ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison Pastoral Care sa ginawang paglilinaw ng Santo Papa Francisco hinggil sa parusang kamatayan.
Ayon kay Rodolfo Diamante, Executive Secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care matagal na rin nilang isinusulong ang pagkakaroon ng ‘revision’ sa ‘guidelines on Catholic Catechism’ na hindi dapat binibigyang katwiran ang pagpatay.
“Kasi talagang wala dapat, in a way lalu na sa teaching ng simbahan na magsasabi na ‘justifiable’ ang parusang kamatayan. Especially sa pag-unawa kung ano ang tao,” ayon kay Diamante.
Base sa katuruan ng Santo Papa Francisco walang kondisyon at hindi katanggap-tanggap ang ‘death penalty’ dahil ang lahat ay mga anak ng Diyos.
“If you will be faithful of reading the scriptures, talagang ang pagpapahalaga ng Diyos sa tao ay talagang unconditional at may pagkiling talaga sa mahihina. At sino ang weakest among the group – ay yaong mga nagkamali,” ayon kay Diamante.
On Pacquiao
Nalulungkot naman si Diamante sa pahayag ni Senator Manny Pacquiao na isulong ang pagbababalik ng death penalty sa Pilipinas kasunod ng inilabas na paglilinaw ni Pope Francis.
“Consistent naman siya, nakakalungkot lang talaga na sasabayan nya (Pacquiao) ang pronouncement ng Pope ng sarili nyang interpretation ng Bible,” ayon kay Diamante.
Ang mambabatas ay una ng nagsumite ng tatlong panukala para sa pagbuhay ng ‘death penalty’ sa bansa na limitahan ang parusa laban lamang sa mga karumal-dumal na krimen.
Paliwanag pa ni Diamante hindi madali ang pag-aaral ng bibliya at ang paglalapat ng kahulugan sa mga teksto na nasasaad dito.
Hamon ngayon sa mga katoliko na higit pang paigtingin ang pagbibigay ng katesismo at puspusang pangangaral para sa pagbibigay ng kaalaman sa bawat mananamapalataya.